Enrollment sa eskwela tuloy sa ika-1 ng Hunyo kahit wala pang COVID-19 vaccine
MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante sa school year 2020-2021 kahit wala pang bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), pagtitiyak ng Malacañang, Miyerkules.
'Yan ay kahit na una nang tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pisikal na klase hangga't wala pang nade-develop na bakuna laban sa pandemya.
Paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque sa panayam ng dzMM, tuloy sa Lunes ang enrolment ng mga mag-aaral sa gitna ng krisis pangkalusugan.
"Tuloy po iyan dahil hindi naman po pupuwedeng wala tayong preparasyon," sabi ni Roque sa dzMM kanina.
"Ang sigurado po, tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan. Ang isyu na lang, ano ang sitwasyon pagdating ng Agosto 24: ito ba ay sapat na para tayo ay mag-face-to-face [classes] o blended."
Una nang inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na magsisimula ang mga "virtual" o pisikal na klase simula ika-24 ng Agosto. Sa buwan ding 'yan din daw magsisimula ang karamihan ng mga kolehiyo't unibersidad.
Pero wala raw magaganap na face-to-face classes kung hindi pa rin daw mababawi ang mga community quarantine, sabi ni Roque kahapon.
Tuloy pa rin ang pag-aaral sa mga community quarantine areas sa ika-24 ng Agosto ngunit gagamitan daw ng "blended learning" sa pagtuturo, sa pamamagitan ng internet, radyo at telebisyon.
Lunes nang sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III prayoridad nila ang kalusugan ng mga bata, kung kaya't bukas sila sa pagsususpindi ng face-to-face classes.
"We can't risk children going back until there is a vaccine. Very important po ang bakuna," ani Duque.
"Together with DepEd we will explore alternative means to modify classes for safe physical distancing. AS LONG AS MINIMUM HEALTH STANDARDS ARE MET, schools can open. If standards are not met, best to wait for vaccine."
- Latest