Dalubhasa: NCR, high-risk areas, dapat manatili sa MECQ

Nagbabantay ang opisyal na ito sa Barangay 12 sa Caloocan matapos i-extended hanggang katapusan ng buwan ang lockdown doon raw sa pagtaas ng COVID-19 cases.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Dapat manatili sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang National Capital Region at iba pang "high-risk" na lugar pagsapit ng ika-1 ng Hunyo laban sa nakamamatay na novel coronavirus (COVID-19), ayon sa pananaliksik ng ilang eksperto.

'Yan ang sinabi ng ilang researchers mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, matapos irekomenda ng lahat ng Metro Manila mayors ang paglalagay sa National Capital Region sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) pagkatapos ng ika-31 ng Mayo. 

"We recommend that the national government continue the MECQ in the NCR and consider the same in other high-risk areas," sabi ni UP Diliman Political Science Asst. Prof. Ranjit Rye sa ulat ng GMA News, matapos ang isinagawang pag-aaral.

"The reproduction number of NCR, which is oscillating at around 1.0 rather than showing a discernible decrease, is a sign that it might be premature to relax the MECQ to GCQ."

Sabi pa ni Rye, nananatiling high-risk sa COVID-19 ang NCR dahil na rin sa bagal ng natatanggap na datos ng Department of Health (DOH).

Aniya, mahigit-kumulang 7,000 infections pa raw ang hindi naiuulat ng ahensya sa ngayon.

Kung titignan ang website ng DOH, sinasabing 21,643 na ang nagpositibo sa mga test. Gayunpaman, 14,669 pa lang dito ang kinukumpirma ng health department.

Sa ilalim ng GCQ na gusto ng Metro Manila Mayors, magbabalik na ang mga pampublikong transportasyon na may social distancing, pagbabalik sa pisikal na pinagtratrabahuhan ng hanggang 75% ng mga empleyado at paglalaro ng ilang sports.

Pero sa ilalim nito, maaari pa ring magpatupad ng lockdown ang mga alkalde sa ilang baranggay at lugar kung saan may mga kaso ng COVID-19.

Lubhang naapektuhan ang bansa dahil sa dalawang buwang lockdown, lalo na't lagpas isang katlo (1/3) ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakasandig sa Metro Manila. Sinasabing 12 milyong katao ang nag-aambag dito.

Una nang sinabi ni Interior Secretary Año na maaaring ilagay sa GCQ ang NCR simula Lunes, habang pinag-aaralan naman din daw ang modified GCQ sabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia.

Pag-shift sa GCQ 'magpapalala ng sitwasyon'

Natuksalan din daw ng team nina Rye na walang nagbago sa lingguhang bilang ng panibagong COVID-19 cases sa NCR sa unang 10 araw ng MECQ (ika-16 hanggang ika-25 ng Mayo), batay sa datos ng DOH.

Sa ngayon, ang mga lungsod ng Makati, Las Piñas at Pasay din daw ang lumalabas na may pinakamalaking pagtaas ng panibagong COVID-19 cases, na sumipa nang 170%, 60% at 58% kung ikukumpara sa nakaraang linggo.

"While such increases cannot be attributed to MECQ at this time, there remains the possibility that a transition from MECQ to GCQ could exacerbate the increase in new COVID-19 cases in these LGUs further undermining the government’s efforts to control the transmission of COVID-19," sabi pa ni Rye.

Bukod pa sa mga nasabing NCR cities, lumalabas na "high-risk" din ang Davao City at Laguna, lalo na raw kung titignan ang kanilang "reproduction number."

Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na kailangan nang luwagan ang lockdown measures para makabawi ang ekonomiya. 

Suportado rin ng ilang senador gaya nina Sen. Panfilo Lacson ang pagluluwag sa economic restrictions sa ngayon dahil sa parehong kadahilanan. — James Relativo

Show comments