^

Bansa

ABS-CBN maglalabas ng listahan ng sisisantehin 'sa mga darating na linggo'

James Relativo - Philstar.com
ABS-CBN maglalabas ng listahan ng sisisantehin 'sa mga darating na linggo'
Litrato ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak
The STAR/Mong Pintolo, File

MANILA, Philippines — Ibinahagi ni ABS-CBN president at chief executive officer (CEO) Carlo Katigbak ang napipintong pagkawala ng trabaho ng ng kanilang empleyado habang hindi nare-renew ang prangkisa ng Kapamilya Network.

"[S]a mga darating na linggo, mapipilitan na kaming maglabas ng listahan ng mga empleyadong mawawalan ng trabaho," pagdidiin ni Katigbak sa pagdinig ng Kamara, Martes.

Aniya, habang tumatagal daw na wala sa ere ang ABS-CBN ay palugi sila nang palugi.

Una nang sinabi ng kumpanya na P30 milyon hanggang P35 milyon ang nawawala sa kanila araw-araw mula sa advertising revenues matapos maipasara.

Ika-5 ng Mayo nang maglabas ng "cease and desist" order ang National Telecommunications Commission (NTC) para itigil ng kumpanya ang operasyon. Hindi kasi inaksyunan ng Kamara ang mahigit isang dosenang franchise renewal bills na nakabinbin hanggang sa mapaso ang franchise noong ika-4 ng Mayo.

"Hindi po kami nagpapaawa. Umaapela po kami. Ibalik niyo po ang ABS-CBN para maprotektahan namin ang 11,000 kong kapamilya at ang kanilang mga minamahal sa buhay," patuloy ni Katigbak.

"Alam po namin na sa panahon ng pandemya, napakahirap pong mawalan ng trabaho. Dahil hindi madaling makahanap ng panibagong hanapbuhay."

Naninindigan ang kumpanya na walang dahilan kung bakit hindi dapat manumbalik sa ere ang istasyon, sa dahilang wala naman daw silang nilabag na batas.

Komento ni Mercolta

Samantala, inilatag naman ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang mga sari-saring paglabag daw ng ABS-CBN sa batas, dahilan para ipanawagan niya ang pagsasara nito.

Aniya, may kaso ng "tax evasion" daw ang kumpanya, habang nagbayad naman daw ng P1.6 bilyong buwis ang karibal na GMA-7.

Imbis na nagbayad, nagdeklara pa raw ang ABS-CBN ng "negative income" na 84 milyon. Aniya, ito raw ang batayan ng inihaing kaso ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Court of Tax Appeals, hanggang sa nagkasundong magbayad ng P153 milyon ang istasyon.

'Yan ay kahit na sinabi kanina ng BIR na nagbabayad ng buwis ang network: "As far as ABS-CBN account is concerned they are regularly filing and paying their taxes for the past number of years," sabi ni Simplicio Cabantax Jr., head of Large Tax Payers Audit Division 3 ng bureau.

Mula 2009 hanggang 2018, nagbayad aniya ng P8.859 bilyong witholding taxes ang network.

Samantala, sinabi rin ni Mercoleta na "may political bias" daw ang ABS-CBN, bagay na walang kuneksyon sa isyu ng prangkisa.

"Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami, kung hindi man lahat, kung papaano naging pro-Noynoy Aquino ang ABS-CBN nung 2010 at pro-Grace Poe at pro-Leni Robredo naman nung 2016," dagdag ng solon.

Kwinestyon din ng mambabatas ang pagiging United States citizen noon ni Gabby Lopez, chairman emeritus ng network, kahit na sinasabi ng 1987 Constitution na dapat Pilipino lang ang nagmamay-ari ng media sa bansa.

Dinepensahan naman si Katigbak sa pagkwestyon nila sa Philippine Depository Reciepts (PDRs) ng ABS-CBN, bagay na hindi naman daw nangangahulugan ng foreign ownership lalo na't aprubado naman daw ito ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Labor issues

Bagama't iniuugnay sa isyu ng kontraktwalisasyon at labor-only contracting, dinepensahan naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ABS-CBN at sinabing naayos na nila ang gusot.

"We discovered some violations and we asked them to comply. We issued compliance orders. And in fairness, they complied," sabi ng kalihim.

Sa kanilang 2018 audit, sinabi ni Bello na may 4,858 na empleyado lang ang kumpanya, na maaaring hindi raw saklaw ang mga subsidiary nito.

Hawak ng ABS-CBN ang Channel 2, istasyon ng radyo na dzMM, MOR at Digital Terrestrial Television, maliban pa sa ABS-CBN News Channel at Star Cinema.

Sa ngayon, may 2,661 na regular na empleyado ang kumpanya, 2,096 project-based seasonal workers, 1,069 independent contractors at on-cam talents at 92 project employees.

Ang madalas na ilabas na 11,071 empleyado ay tumutukoy sa nagtratrabaho sa kabuuan ng ABS-CBN Group.

ABS-CBN

CARLO KATIGBAK

HOUSE OF REPRESENTATIVES

LEGISLATIVE FRANCHISE

RODANTE MARCOLETA

SILVESTRE BELLO III

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with