Duque kinontra si Duterte: Ligtas simulan ang klase sa Agosto

Litrato ng mga estudyante na nagtitipon sa paaralan.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Taliwas sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanindigan ang Department of Health (DOH) sa kaligtasan ng pagsasagawa ng "face-to-face" classes sa pagsapit ng ika-24 ng Agosto.

'Yan ang tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga senador, Lunes, sa kalagitnaan ng isang pagdinig.

"Sa ngayon sa tingin namin ay ligtas kung bubuksan ang klase by August 24," banggit ng kalihim.

"Kinakailangan lang siguruhin minimum standards of health na talaga. Physical distancing, frequent washing of the hand, disinfection ng silid-aralan, alcohol, sanitizers nandiyan."

Kagabi lang nang tutulan ni Duterte ang resumption ng classes hangga't wala pang bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19), na humawa na sa 14,319 sa bansa.

"Wala nang aral. Laro na lang. Unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about opening of classes," wika ni Digong sa pulong ng Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), Lunes.

Gayunpaman, tiniyak ni Duterte na darating naman ang bakuna bago magtapos ang 2020.

Samantala, umaasa naman si Duque na agad mailalabas ang mga bakuna. Dagdag pa niya, may mga panuntunan naman sa kaligtasan ang Department of Health (DepEd).

"But habang wala pa, siguraduhin lang natin ang minimum health standards are met to mitigate the risks to our school children," patuloy ni Duque.

Una nang sinabi ng DepEd na na maaaring magsimula ang mga pisikal at/o "virtual" na klase sa elementarya at sekundarya sa Agosto.

Wika naman ng IATF, pwede ring magsimula ang mga klase bago ang Agosto basta't hindi pisikal na maghaharap ang mga mag-aaral at guro sa mga pribadong eskwelahan.

Nakatakda ring magbukas ang pasok ng maraming kolehiyo at unibersidad, ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Prospero de Vera, ngunit may kalayaan daw silang iusog ito.

Roque taliwas kay Duterte?

Samantala, tila "contradictory" naman ang interpretasyon ni presidential spokesperson Harry Roque sa sinabi ni Duterte.

Pagsisiguro ni Roque, tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante sa Agosto kahit na hindi pa maabot ang "new normal" at hindi pa mabawi ang mga community quarantine.

"Kung hindi po talaga dumating ang 'new normal,' at hindi mai-lift ang mga community quarantines, hindi naman po ibig sabihin na hindi na mag-aaral ang ating mga kabataan," sabi ni Roque.

"Meron po tayong tinatawag na blended learning. Sang-ayon po kay Secretary Briones ng DepEd, gagamitin po natin ang telebisyon, ang radyo at ang internet para ipagpatuloy po ang edukasyon ng ating kabataan."

Bagama't sinabi raw ni Duterte na hindi bubuksan ang mga face-to-face learning hangga't walang bakuna, pwede namang buksan ang mga pisikal na klase sa Agosto basta't "nasa new normal" na raw ang bansa.

Show comments