COVID-19 vaccine muna dapat bago magbukas ang mga eskwela — Duterte
MANILA, Philippines — Hindi pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na magbalik ang pasok sa eskwelahan hangga't hindi pa nailalabas ang bakuna laban sa SARS-CoV-2 — ang virus na nagsasanhi ng nakamamatay na novel coronavirus (COVID-19).
Sinabi 'yan ni Digong kahit inanunsyo na ng Department of Education (DepEd) ang pisikal at/o virtual na pagbubukas ng mga paaralan pagpasok ng ika-24 ng Aogosto, 2020.
"Kasi hindi na — hindi na — wala nang aral. Laro na lang. Unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about opening of classes," sabi niya sa isang talumpati, Lunes nang gabi.
"Para sa akin, bakuna muna. ‘Pag nandiyan na ang bakuna, okay na."
Winika na noon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na maaaring magbukas ang mga klase bago pa mag-Agosto sa mga pribadong eskwelahan, basta't hindi ito pisikal na mga klase.
Nakatakda ring magbukas sa Agosto ang mga kolehiyo at unibersidad sa Agosto, basta't meron silang "flexible learning." Gayunpaman, sinabi ni Commission on Higher Education Commissioner Prospero de Vera na maaaring hindi agad magbukas ang mga tertiary education institutions depende sa pangangailangan.
Pero para kay Duterte, walang silbing pag-usapan ang pagbubukas ng mga klase ngayong talamak pa rin ang pandemya.
"Mga bata huwag muna. Iyang — iyang opening ng classes, that’s a very — hindi… I will not allow the opening of classes na magdikit-dikit iyang mga bata na ‘yan," dagdag pa niya.
"Bahala na hindi na makatapos. For this generation, wala na matapos na doktor pati engineer. Wala."
Taya ni Duterte, matatapos naman daw ang pagde-develop ng bakuna bago magtapos ang 2020: "They are feverishly — feverou — feverishly working on it."
Ngayong buwan lang din nang ihain ni Pampanga Rep. Aurelio Gonzales Jr. ang House Resolution 876, na nananawagan din sa pagsusupindi ng mga klase hangga't wala pang bakuna sa COVID-19.
Pasig pumalag
Hindi naman pumayag si Pasig City Mayor Vico Sotto sa apela ng presidente na maantala pa ang pagbubukas ng mga paaralan.
"Ano man ang mangyari, hindi natin puwedeng hayaan na mahuli ang mga magaaral natin sa mga pampublikong paaralan," wika ni Sotto.
Sa ngayon, nakikipagtulungan na raw sila sa DepEd kung bubuksan na ang mga paaralan o magsasagawa na lang ng mga "virtual classes."
Kung mauwi raw sa virtual classes, naghahanda na raw ang Pasig ng mas mahusay na internet connection sa antas ng baranggay kung saan maaaring mag-download ng mga module ang mga bata.
"Whether [resumption or virtual], we are identifying funds for personal learning devices for students," kanyang panapos.
- Latest