Online sex abuse sa mga bata tumaas rin

MANILA, Philippines — Bukod sa aktuwal na mga kaso ng panggagahasa, umakyat rin ang bilang ng mga ulat ng ‘online sexual abuse’ sa bansa na nakapagtala ng pagtaas ng 260 porsyento habang nasa ilalim ng lockdown dahil sa pandemya, ayon sa Department of Justice kahapon.

Sa datos buhat sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) na nakalap buhat sa ino-operate nilang CyberTipline Report (CTR), nakapagtala ng 279,166 ulat ng online exploitation mula Marso 1 hanggang Mayo 24. 

Higit na mas mataas ito sa datos noong nakaraang taon sa parehong period na nakapagtala lamang ng 76,561 ulat.

Ayon sa DOJ, ang malaking pagtaas sa datos ay maaaring dulot umano ng pagtaas rin sa paggamit ng internet ng publiko dahil sa pagkakakulong sa kani-kanilang mga bahay mula Marso 17. 

Ngunit nilinaw rin ng kagawaran na hindi lahat ng ulat ay aktuwal na mga kaso ng ‘sexual exploitation’ ng mga bata. 

Kabilang sa mga ulat ang distribusyon at paglikha ng child pornography materials, child sex trafficking, pangmomolestiya ng kaanak sa bata, pagpapadala ng sex materials sa isang bata at pagpapadala ng bastos na mga salita o imahe sa internet.

 

Show comments