Lacson kay Duque: ‘Wag umasa sa trust ng Pangulo
MANILA, Philippines — Sinabihan kahapon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Health Secretary Francisco Duque III na huwag umasa sa “trust and confidence” sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng isyu ng overpricing sa pagbili ng mga kagamitan para labanan ang COVID-19.
Ayon kay Lacson, mismong mga taga-Department of Health (DOH) ang nagre-report sa kanya at nagbibigay ng impormasyon kaya niya nalaman na mas mahal ang presyo ng mga kagamitan na binili ng ahensiya kumpara sa mga binili ng pribadong sektor.
Hindi lamang umano makapalag ang mga nagbibigay sa kanya ng mga impormasyon dahil boss nila si Duque.
Sinabi rin ni Lacson na maging sina Secretary Carlito Galvez Jr., Deputy Chief Implementer Against COVID-19 at COVID testing czar Sec. Vince Dizon ay nagtataka kung bakit iginigiit ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na manual pa rin ang polymerase chain reaction (PCR) extraction na dapat ay automated na.
Hinala ni Lacson, ayaw ng RITM at ng DOH na mag-automate dahil mas maraming magagamit na “consumables.”
Naniniwala ang Senador na dapat may magpadala sa Pangulo ng confidential memo upang maiparating ang totoong nangyayari.
Dapat aniyang isipin ng mga hindi kumikibo ang kapakanan ng mga mamamayang Pilipino.
- Latest