Bilang ng nagugutom na Pinoy dumoble

Lumabas sa survey na nasa 4.2 milyon pamilya ang nakaranas ng magutom ng nasa isang beses sa nakaraang tatlong buwan dahil walang makain.
KJ Rosales/File

MANILA, Philippines — Dumoble at umabot sa 16.7% ang bilang ng mga nagugutom na pamilyang  Filipino base sa Mobile Phone Survey na isinagawa ng Social Weather Station.

Lumabas sa survey na nasa 4.2 milyon pamilya ang nakaranas ng magutom ng nasa isang beses sa nakaraang tatlong buwan dahil walang makain.

Ang nasabing bilang ay doble kumpara sa 8.8% o nasa 2.1 milyong pamilya na naitala noong Disyembre 2019.

Lumabas din sa survey na karamihan sa pamilya o 99% ay nakatanggap naman ng tulong na pagkain simula nang magkaroon ng COVID-19 crisis na karamihan ay mula sa gobyerno.

Ayon pa sa SWS, 16.7% ang nakaranas ng moderate hunger na tinatayang nasa 3.5 milyong pamilya samantalang nasa 2.8% o 699,000 pamilya ang nakaranas ng severe hunger.

Ang “moderate hunger” ay isang beses o kaunting beses lamang na nagutom sa nakaraang tatlong buwan samantalang ang “severe hunger” ay ang mga nakaranas ng “often” o palaging gutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Ang SWS May 2020 Covid-19 Mobile Phone Survey ay isinagawa  gamit ang mobile phone at  computer assisted telephone interviewing (CATI) sa nasa 4,010 working-age Filipinos (15 years gulang pataas ) sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, 294 ang mula sa National Capital Region, 1,645 sa Balance Luzon (o Luzon pero sa labas ng Metro Manila), 792 sa Visayas, at 1,279 sa Mindanao. Angie dela Cruz

 

Show comments