Meralco babaguhin ang singil ng kuryente mula Marso-Mayo
MANILA, Philippines — Inutusan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga power distributors na baguhin ang mga singilin sa kuryente sa gitna ng pagpapatupad ng gobyerno ng sari-saring lockdown sa buong Pilipinas.
"Inuutusan ang mga [distribution utilities] na magsagawa ng actual meter readings at mag-isyu ng panibagong billing na nagpapakita ng aktwal na konsumo [ng kuryente] at karampatang singilin," sabi ng ERC sa Inggles, Biyernes.
'Yan ay matapos suspindihin ang koleksyon ng Universal Charge-Environmental Charge (UC-EC) na katumbas ng P0.0025/kWh.
Ayon sa ERC, dapat ilabas ang panibagong billing na nakabase sa aktwal na konsumo bago o sa araw mismo ng ika-8 ng Hunyo 2020.
Marso nang suspendihin ng Manila Electric Co. (Meralco) paniningil batay sa meter reading sa gitna ng mga lockdown na ipinatupad kontra pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Para sa mga kumokonsumo ng kuryente na may buwanang consumption na 200 kWh pababa noong Pebrero 2020, papayagan ang hanggang anim na utay-utay na pagbabayad ng electric bills habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ.
Para naman sa mga kumokonsumo nang mas mataas diyan, papayagan ang hanggang apat na utay-utay na pagbabayad ng electric bills habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) at modified ECQ.
Para sa mga electric bills na due sa Hunyo 2020, dapat itong bayaran matapos ang ika-30 ng Hunyo — nang walang penalty, interes at iba pang singilin.
Meralco susunod sa utos
Hindi naman daw sumuway ang Meralco sa kautusan ng ERC hinggil sa paglalabas ng panibagong billing.
"Susunod kami sa utos ng ERC at ipatutupad ito habang... tinitiyak na maiintindihan nila ang kanilang bill," ani Joe Zaldarriaga, spokespeson ng Meralco, sa panayam ng GMA News.
"Susuportahan namin ang pagpapatupad [nito] sa pamamagitan ng iba't ibang information materials at platforms para mas madali itong maintindihan. Hinahangad lang namin ang interes ng mga customer habang ipinatutupad ito."
Umabot nang halos doble o higit pa ang sinisingil na kuryente sa maraming consumer matapos suspindihin ng Meralco ang aktwal na pagbabasa ng mga metro.
Lunes nang hikayatin ni Sen. Grace Poe na huwag munang bayaran ng mga consumer ang kanilang billing hangga't hindi ito naitatama ng Meralco.
Marso naman nang manawagan ng "zero collection" ng kuryente ang grupong Defend Jobs Philippines lalo na't no-work-no-pay ang maraming manggagawa sa gitna ng lockdown.
- Latest