MANILA, Philippines — Isa pang babae sa katauhan ni Gemalyn Deocares Sugui ang nagtapos bilang pinakamahusay na kadete sa Philippine Military Academy (PMA) "Masidlawin" class of 2020, Biyernes.
Si Sugui, tubong Echage, Isabela, ang ika-anim na babaeng kadete na nag-top mula sa primyadong military training institution ng bansa.
Kasama niya ang apat pang babae sa top 10, dahilan para maging tig-lima ang lalaki't babae sa mga pinakamahuhusay na estudyante ng PMA ngayong taon.
Sinundan si Sugui nina:
- Jade Campo Villanueva (Tacloban City)
- Jeffreson Yason Salazar (Zamboanga City)
- Rojes Gaile Bacud Jamandre (Lamut, Ifugao)
- Jeb Belting Bay-an (Kabayan, Benguet)
- Catabay Gunnawa Ladyong (Tabuk City, Kalinga)
- Vanelyn Angel Zipangan Tabao (Tuguegarao City)
- June Giel Anne Factor (Ilocos Norte)
- Ruben Abgao (Baroy, Lanao del Sur)
- Dencel Aina Bayaca (Pampanga)
Taong 2019 nang maging top ng kanyang klase si Dionne Mae Apolog Umalla mula sa Ilocos Sur.
Isang dekada naman na ang nakalilipas nang mangibabaw naman si Arlene dela Cruz sa kanyang mga "mistah" noong 1999, na sinundan naman nina Tara Velasco noong 2003, Andrelee Mojica noong 2007 at Rovi Mariel Martinez noong 2017.
Ang pagtatapos ng Masidlawin class ang una sa loob ng halos 100 taong kasaysayan ng PMA kung saan sarado ang pagtitipon sa publiko, kahit sa kanilang mga magulang at mahal sa buhay dahil ipinagbabawal ang "mass gatherings" ngayong may coronavirus disease (COVID-19).
Mapapanood naman sa pamamagitan ng livestream ang graduation rites sa Lungsod ng Baguio, kung saan nagpapatupad ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ). — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Artemio Dumlao