MANILA, Philippines — Napag-alaman ng Social Weather Stations (SWS) na 16.7%, o 4.2 milyong pamilyang Pilipino, ang nagutom dahil walang makain sa nakalipas na tatlong buwan.
Halos doble 'yan ng 8.8% (2.1 milyong pamilya) noong Disyembre 2019, dahilan para maging pinakamataas magmula nang pumalo ito sa 22% noong Setyembre 2014.
Isinagawa ang mobile phone survey sa pamamagitan ng telepono at "computer assisted telephone interviewing" ng 40,010 Pilipinong 15-anyos pataas sa buong bansa, mula ika-4 hanggang ika-10 ng Mayo, 2020
Napag-alaman din ng survey na 99% ng mga pamilya ang nakakuha ng ayudang pagkain simula nang trumama ang coronavirus disease (COVID-19) crisis, kalakhan galing sa gobyerno.
Nanggaling ang tantos na 16.7% matapos pagsama-samahin ang iba't ibang antas ng gutom na naranas ng mga Pilipino:
- moderate hunger (13.9%)
- severe hunger (2.7%)
Tumutukoy ang "moderate hunger" sa mga nakaranas ng gutom nang "isang beses" o "iilang beses lang" sa nakalipas na tatlong buwan.
Mas mataas 'yan kumpara sa 7.3% (1.8 milyong pamilya) noong Disyembre 2019. Ngayon ang pinakamataas na moderate hunger simula nang maitala ang 14.1% na moderate hunger noong Setyeyembre 2015.
Tumutukoy naman ang "severe hunger" sa mga "madalas" o "laging" gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Tumaas 'yan mula sa 1.5% (357,000 pamilya) noong Disyembre 2019. Ngayon ang pinakamalaking tantos ng severe hunger simula nang maitala ang 2.8% (643,000 pamilya) noong Setyembre 2008.
Gutom tumaas sa lahat ng lugar
Nanggaling ang mga nakaranas nang mas malalang kagutuman sa lahat ng dako ng Pilipinas:
- Metro Manila (20%) — 693,000 pamilya
- Balance Luzon (12.6%) — 1.4 milyong pamilya
- Visayas (14.6%) — 685,000 pamilya
- Mindanao (24.2%) — 1.4 milyong pamilya
Dating 9.3% lang ang gutom sa Metro Manila noong Disyembre 2019. Ang kasalukuyang tantos ng gutom ang pinakamalaki sa rehiyon simula nang umabot ito sa 22% noong Setyembre 2014.
Sa Balance Luzon naman, 6.3% lang ito noong Disyembre 2019. Ngayon din ang pinakamalaking tantos ng gutom sa lugar simula nang maitala ito sa 12.7% noong Setyembre 2018.
Ganoon din ang lumabas sa Visayas. 9.3% lang ito noong Disyembre 2019, kung kaya't ngayon din ang pinakamataas na rate ng hunger sa lugar simula noong sumirit ito sa 16.7% noong Disyembre 2016.
Mas mataas din ang kasalukuyang datos sa Mindanao kumpara sa 10.3% noong Disyembre 2019. Ngayon ang pinakamataas na porsyento ng gutom sa kapuluan simula noong umabot ito sa 29.2% noong Marso 2013.
"Ang mga katanungan hinggil sa danas ng gutom ng mga pamilya, kanilang karanasan ng pagtanggap ng ayuda simula ng COVID-19 crisis at mga pinanggalingan ng kanilang food-help ay hindi kinomisyon," paliwanag ng SWS sa Inggles.
"Ginawa ito sa sariling inisyatiba ng SWS at inilabas bilang serbisyo publiko."