^

Bansa

Pamilyang gutom dumoble sa 16.7% sa gitna ng COVID-19 — SWS

James Relativo - Philstar.com
Pamilyang gutom dumoble sa 16.7% sa gitna ng COVID-19 — SWS
Nakaupo ang mga benepisyaro ng Special Amelioration Program (SAP) sa isang basketball court sa Payatas, Quezon CItypara makakuha ng ayuda, ika-12 ng Mayo, 2020.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Napag-alaman ng Social Weather Stations (SWS) na 16.7%, o 4.2 milyong pamilyang Pilipino, ang nagutom dahil walang makain sa nakalipas na tatlong buwan.

Halos doble 'yan ng 8.8% (2.1 milyong pamilya) noong Disyembre 2019, dahilan para maging pinakamataas magmula nang pumalo ito sa 22% noong Setyembre 2014.

Isinagawa ang mobile phone survey sa pamamagitan ng telepono at "computer assisted telephone interviewing" ng 40,010 Pilipinong 15-anyos pataas sa buong bansa, mula ika-4 hanggang ika-10 ng Mayo, 2020

Napag-alaman din ng survey na 99% ng mga pamilya ang nakakuha ng ayudang pagkain simula nang trumama ang coronavirus disease (COVID-19) crisis, kalakhan galing sa gobyerno.

Nanggaling ang tantos na 16.7% matapos pagsama-samahin ang iba't ibang antas ng gutom na naranas ng mga Pilipino:

  • moderate hunger (13.9%)
  • severe hunger (2.7%)

 

 

Tumutukoy ang "moderate hunger" sa mga nakaranas ng gutom nang "isang beses" o "iilang beses lang" sa nakalipas na tatlong buwan.  

Mas mataas 'yan kumpara sa 7.3% (1.8 milyong pamilya) noong Disyembre 2019.  Ngayon ang pinakamataas na moderate hunger simula nang maitala ang 14.1% na moderate hunger noong Setyeyembre 2015.

Tumutukoy naman ang "severe hunger" sa mga "madalas" o "laging" gutom sa nakalipas na tatlong buwan.

Tumaas 'yan mula sa 1.5% (357,000 pamilya) noong Disyembre 2019. Ngayon ang pinakamalaking tantos ng severe hunger simula nang maitala ang 2.8% (643,000 pamilya) noong Setyembre 2008.

Gutom tumaas sa lahat ng lugar

Nanggaling ang mga nakaranas nang mas malalang kagutuman sa lahat ng dako ng Pilipinas:

  • Metro Manila (20%)  — 693,000 pamilya
  • Balance Luzon (12.6%) — 1.4 milyong pamilya
  • Visayas (14.6%) — 685,000 pamilya
  • Mindanao (24.2%) — 1.4 milyong pamilya

Dating 9.3% lang ang gutom sa Metro Manila noong Disyembre 2019. Ang kasalukuyang tantos ng gutom ang pinakamalaki sa rehiyon simula nang umabot ito sa 22% noong Setyembre 2014.

Sa Balance Luzon naman, 6.3% lang ito noong Disyembre 2019. Ngayon din ang pinakamalaking tantos ng gutom sa lugar simula nang maitala ito sa 12.7% noong Setyembre 2018.

Ganoon din ang lumabas sa Visayas. 9.3% lang ito noong Disyembre 2019, kung kaya't ngayon din ang pinakamataas na rate ng hunger sa lugar simula noong sumirit ito sa 16.7% noong Disyembre 2016.

Mas mataas din ang kasalukuyang datos sa Mindanao kumpara sa 10.3% noong Disyembre 2019. Ngayon ang pinakamataas na porsyento ng gutom sa kapuluan simula noong umabot ito sa 29.2% noong Marso 2013.

"Ang mga katanungan hinggil sa danas ng gutom ng mga pamilya, kanilang karanasan ng pagtanggap ng ayuda simula ng COVID-19 crisis at mga pinanggalingan ng kanilang food-help ay hindi kinomisyon," paliwanag ng SWS sa Inggles.

"Ginawa ito sa sariling inisyatiba ng SWS at inilabas bilang serbisyo publiko."

HUNGER

LOCKDOWN

NOVEL CORONAVIRUS

SOCIAL WEATHER STATIONS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with