117 inmates nabigyan ng parole

Sinabi ni Justice Undersecretary Markk Perete na base sa ulat ng Board of Pardons and Parole, nasa 117 persons deprived of liberty (PDLs) ang nabigyan na ng parole habang nasa 424 pa ang isinasailalim sa proseso at naghihintay pa ng clearance buhat sa National Bureau of Investigation (NBI).
Miguel De Guzman, file

MANILA, Philippines  — Maaari nang makalaya ang 117 inmates makaraang mabigyan ng parole ng pamahalaan matapos na gawing simple ang mga proseso at panuntunan dito.

Sinabi ni Justice Undersecretary Markk Perete na base sa ulat ng Board of Pardons and Parole, nasa 117 persons deprived of liberty (PDLs) ang nabigyan na ng parole habang nasa 424 pa ang isinasailalim sa proseso at naghihintay pa ng clearance buhat sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa oras na mapalabas ng bilangguan, kailangan munang sumailalim sa 14-araw na ‘quarantine’ ng mga PDLs sa inilaang pasilidad sa kanilang ‘penal colony o penal farm’ bago sila payagang makauwi sa kani-kanilang pamilya at komunidad.

Sa interim guidelines, kuwalipikado na sa parole o executive clemency ang mga aplikante na may edad 65-anyos pataas at nakulong na ng limang taon sa kanilang sentensya o may problema sa kalusugan.

Hindi kuwalipikado ang mga inmates na sangkot sa mga heinous crimes tulad ng iligal na droga o mga ‘high-risk’ base sa klasipikasyon ng Bureau of Corrections.

Show comments