MANILA, Philippines (Updated 5:50 p.m.) — Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nasa ikalawang "wave" na ng coronavirus disease (COVID-19) infection ang Pilipinas, Miyerkules.
'Yan ang ibinahagi ng kalihim sa mga senador sa hearing ng Senate Committee of the Whole kanina.
"Actually nasa second wave tayo. 'Yung first wave nag-umpisa, batay po sa ating mga batikang epidemiologist, na ang first wave natin happened sometime in January, noong nagkaroon po tayo ng tatlong kaso ng mga Chinese nationals from Wuhan," wika ni Duque.
"Yun po ay kinikilalang first wave, maliit lang na wave ika nga. Pero ngayon nasa second wave tayo at ginagawa po natin ang lahat para nga ma-flatten 'yung epidemic curve."
Sa huling taya ng DOH Miyerkules, nasa 13,221na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Binawian na ng buhay ang 842 katao sa bansa dahil sa sakit.
Matapos tanungin ni Sen. Bong Revilla, sinabi rin ni Duque na tila matatagalan pa bago makabalik ang bansa sa normal lalo na't dumaraan pa sa mga clinical trials ang mga bakuna.
"Hindi po mawawala ito hanggang magkaroon ng bakuna. Ang kailangan po dito ay pag ibayuhin natin ang 'new normal' na mabubuhay tayo at magpapatuloy ang ekonomiya natin," sabi pa ni Duque.
Una nang nag-alok ng P50 milyong pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang Pilipinong makatutuklas sa bakuna kontra-COVID-19.
Kahapon lang nang sabihin ng DOH na meron nang gagawing strategy pagdating sa mas lokalisadong quarantine measures, na hindi malawakan, kundi focused lang sa baranggay.
Kagabi lang nang talakayin ni Presidential Peace Adviser at chief implementer ng COVID-19 action plan na si Carlito Galvez Jr. ang planong pagpapatupad ng mga lockdown sa lebel ng baranggay, kontra sa mga naunang quarantine na ipinatupad sa mga rehiyon at lungsod.
'Second wave' na ba talaga?
Hindi naman naiwasang punahin ng netizens ang aniya'y "premature" na proklamasyon ni Duque, lalo na't hindi pa nga raw nakokontrol ang pagdami ng viral infections sa bansa.
"Hindi pa nga na flatten yun first wave may second wave na agad? Walang ganon, DOH," sabi ng Twitter user na si @iSGFanbboy.
Hindi pa nga na flatten yun first wave may second wave na agad? Walang ganon, DOH. pic.twitter.com/sOQrWslhNn
— FANBOY LIFE (@iSGFanboy) May 20, 2020
Ayon sa UP Resillience Institute, masasabi lang na nagkaroon na ng "second wave" ng COVID-19 infections kung may "muling pagtaas ng may sakit ng COVID-19 kapag tinapos na natin ang ECQ."
"Tinatawag din itong resurgence, rebound o ang muling pagtaas ng bilang ng mga taong may COVID-19 sa isang lugar. Depende sa desisyon ng gobyerno, iba-iba ang puwedeng mangyari," ayon sa papel na inilabas ng UP COVID-19 Pandemic Response Team.
"Dapat ka bang mag-alala? Aba, oo! Dahil kung mangyayari ito [second wave], maaaring marami pa rin ang magkakasakit, kung hindi man mamatay. Kaya nakasalalay ang maraming buhay sa tamang desisyon ng gobyerno sa pagtatapos ng ECQ."
Iba-iba naman ang opinyon ng mga medical experts at scientists kung totoong nakamit na ang second wave ng pandemya sa bansa.
Sa panayam ng CNN Philippines, sinabi ni Dr. Ted Herbosa, medical adviser sa national task force on COVID-19, hindi pa niya masabi kung nasa first wave pa rin ang Pilipinas.
"There are some scientists who are saying we just pushed the first peak farther, that means we bought time. And as soon as we opened up, the peak will go up," sabi niya.
"So, some even say this is still the first wave just delayed by about 50 days of ECQ (enhanced community quarantine)."
Gayunpaman, naninindigan siya na na-flatten na ang curve at rururok na lang uli dahil sa external sources.
Bago ang COVID-19, sinasabing ang Spanish Flu ang pinakamalalang pandemic sa kasaysayan na nangyari noong 1918.
Tinatayang nasa 17 milyon hanggang 100 milyon ang pinatay ng Spanish Flu, na umabot hanggang ika-apat na wave sa New York City, United Kingdom, Austria, Scandinavia at ilang South American islands.
Sa pagtatapos ng bawat wave, ayon sa American Medican Medical Association, kapansin-pansing bumababa nang husto ang bilang ng mga namamatay kaugnay ng nasabing sakit.