Pag-abswelto ni Duterte kay Sinas, na nanguna sa 'Negros 14' killings, inalmahan
MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng ilang grupo ang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Debold Sinas dahil sa "mass gathering" sa gitna ng COVID-19 lockdown, lalo na't dapat daw siyang mapanagot sa sari-saring human rights violations.
Kagabi kasi nang absweltuhin ni Duterte si Sinas, na kinasuhan na ng criminal at administrative cases kaugnay ng kanyang pa-birthday, matapos sabihin na wala siyang kasalanan sa nangyari.
"He is a good officer, he’s an honest one, and hindi niya kasalanan kung may — may magharana sa kanya sa birthday niya," sabi ni Digong sa kanyang talumpati kagabi, habang tinutukoy ang mañanita (hindi party) ng pulis.
"Sabi mo, 'the law is the law.' Well, akin na iyon. It’s my responsibility. But I will not order his transfer. He stays there until further orders."
Nandiri naman ang grupong Karapatan at Kilusang Mayo Uno sa mga sinabi ni Duterte, lalo na't dapat daw maimbestigahan si Sinas sa paglabag sa quarantine protocols at "mahabang kasaysayan ng human rights violation" bilang director ng Police Regional Office (PRO)-7.
Mamamatay magsasaka?
"Kalokohan ang pagprotekta [ni Duterte] kay Sinas... Walang napapanagot... habang kinakanlong ng gobyerno ang human rights violators," sabi ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan, habang tinutukoy ang Negros 14 massacre ng mga magsasaka.
Ika-30 ng Marso, 2020 kasi nang mapatay ng Philippine National Police ang 14 magsasaka sa Negros Oriental matapos hainan ng mga search warrant, bagay na dinedepensahan noon ni Sinas dahil "nanlaban" daw ang mga nabanggit.
Ayon kay Sinas, pinaghihinalaang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People's Army ang mga nabanggit, kahit na karaniwang pesante lang daw ito sabi ng ilang grupo.
Una nang sinabi ni PNP Director General Archie Gamboa na hindi pa sisibakin sa pwesto si Sinas, sa dahilang "mahirap siyang palitan."
"Napakahirap palitan dahil ang dami niyang programa in relation to COVID," sabi ni Gamboa.
Sabi pa ni Palabay, hindi dapat protektahan sa kritisismo si Sinas dahil sa mga iniwang bakas ng pagpatay at iligal na pag-aaresto kaugnay ng local synchronized enhanced management of police operations (SEMPO) sa Negros, bagay na kanyang ginabayan.
"Ang pinaka-reasonable na dapat gawin ngayon ng gobyerno ay sibakin siya [Sinas] sa pwesto at panagutin, sampu ng iba pang human rights violators," banggit pa ni Palabay.
Nabatikos na rin noon ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na dapat mapanagot si Sinas, sa dahilang madedemoralisa ang hanay ng PNP.
"Bilang Police General, may katungkulan siyang magbigay ng magandang ehemplo sa mamamayan," ani Guanzon kay Sen. Panfilo Lacson, na noo'y nag-tweet tungkol kay Sinas
"Idedemoralisa niya ang PNP kung hindi siya mapro-prosecute."
I disagree, Senator . As a Police General he has a duty to set a good example for citizens to follow the law . He will demoralize the PNP if he is not prosecuted .
— Rowena Guanzon (@rowena_guanzon) May 15, 2020
'Hindi honest na pulis'
Ayon naman kay KMU secretary general Jerome Adonis, malayo sa pagiging tapat na pulis si Sinas.
"Hindi honest na matuturing si Sinas dahil bukod sa tahasang paglabag sa [enhanced community quarantine], isa siyang berdugo na responsable sa maraming paglabag sa karapatang pantao," sabi pa ni Adonis.
Idiniin din ng KMU na si Sinas ang nasa likod ng pagkakaaresto ng limang aktibista sa Maynila.
"Kapag ordinaryong tao, may paglabag sa curfew o home quarantine aresto agad. Kapag si Sinas ang lumabag sa pamantayan, absuwelto agad," sabi pa ni Adonis.
"Mariin naming kinokondena ang kawalan ng pananagutan ni Sinas. Si Duterte ay isang konsintidor."
Hindi naman daw titigil ang kanilang mga grupo hangga't hindi napapanagot ang opisyal ng PNP, na siya raw mismong dapat magpatupad ng batas.
Ipinagbabawal ngayon ang mga mass gatherings at pagsuway sa social distancing para na rin hindi mabilis kumalat ang COVID-19.
Kasalukuyang nasa 12,942 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas simula ng pumasok ang virus sa bansa. Sa bilang na ito, 837 na ang patay.
- Latest