Dinapuan ng COVID-19 sa Pilipinas lampas 13,000 na
MANILA, Philippines (Updated, 7:03 p.m.) — Muling nadagdagan ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas sa pagpasok ng Metro Manila at ilang mga lungsod at probinsya sa ika-apat na araw ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Sa huling balita ng Department of Health, 13,221 na ang nahahawaan ng virus, matapos madagdagan ng 279 na.
Naitala ang mga panibagong kumpirmadong kaso sa:
- Metro Manila (150)
- Iba pang lugar (115)
- Central Visayas (14)
Sa bilang ng mga kaso, sinasabing 9,447 ang aktibo pa rin hanggang sa ngayon, na ngangahulugang 'di pa sila gumagaling o namamatay sa sakit.
Umabot naman na sa 2,932 ang gumagaling sa nakamamatay na sakit, matapos maitala ang karagdagang 89 kaso.
Patay naman ang limang iba pa, dahilan para pumalo na sa 842 ang binabawian ng buhay.
Ika-3 wave iniiwasan
Ipinaliwanag naman ni Dr. John Wong, isang public health expert at epidemiologist, kung bakit nagdeklara ng "second wave" ng COVID-19 ang DOH, bagay na kanyang inilinaw dahil kumakalat daw ang maling pag-intindi sa termino.
"Dine-define natin ang outbreak waves bilang, kapag may pagtaaas ng kaso [ng sakit], tapos pagbaba," sabi ni Wong sa Inggles sa virtual briefing ng DOH.
"Para siyang alon ng dagat. May rurok [ng pataas], at merong trough [pagbaba]."
Aniya, meron daw kasing maliit na wave ng COVID-19 noong huling bahagi ng Enero, na kinabibilangan ng tatlong Tsino, na sinundan ng "lull" (pagkalma).
Nangyari naman daw ang ikalawang wave, na "unang major wave," na humigit sa 10,000 kaso.
"Nag-peak ang second wave bandang dulo ata ng Marso, sa bilang na 538 cases [kada araw], na napababa na sa 220 kaso kada araw," dagdag ni Wong.
Aniya, nasa trough o mas mababang yugto na ng second wave na ang Pilipinas.
Pero sa kabila nito, pinag-iingat ng eksperto ang mga Pilipino para hindi na ito lumala pa sa pagdedeklara ng mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ).
"Kailangan nating maipagpaliban ang ikatlo at mga susunod na wave," dagdag pa niya.
"Pagdating sa flattening of the curve, ang ibig nating sabihin diyan... kung hindi tayo nagpataw ng ECQ bago [ang Marso]... baka tumaas pa ang peak. Kaysa 500 cases a day, baka mas malaki pa."
Nasa 4.7 milyon na ang nahahawaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling taya ng Department of Health (DOH). Sa bilang na 'yan, 316,289 na ang namamatay.
"My brothers and sisters, dear colleagues and friends, COVID-19 has robbed us of people we love; It has robbed us of lives and livelihoods; It has shaken the foundations of our world," sabi ni WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus.
"But it has also reminded us that for all our differences, we are one human race, and we are stronger together."
Related video:
- Latest