MANILA, Philippines — Pinag-iingat ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang publiko at mga kaanak ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na tumakas sa kani-kanilang ‘quarantine facilities’ makaraang lumabas na positibo ang resulta ng isinagawang COVID-19 swab tests sa kanila.
Inamin ni PCG spokesperson Commodore Armand Balilo na may ilang OFWs na tumakas sa tinutuluyan nilang mga hotel ngunit hindi muna nagbigay ng eksaktong bilang at iba pang impormasyon ng mga sangkot.
Nangangamba ang PCG na makahawa pa at lalong kumalat ang COVID-19 dahil sa pagtakas ng mga OFWs.
Nung nakatakas na ang mga OFWs ay saka lamang umano dumating ang resulta na may nagpositibo sa COVID-19 kaya hindi umano alam ng mga ito na may dala na silang panganib sa kanilang mga pamilya, kaibigan at kung sinu-sino pa ang makakahalubilo sa kanilang pinuntahang komunidad.
Iniutos na ni PCG Commandant Admiral Joel Garcia ang pagtugis at contact tracing sa mga nakatakas para kunin at muling i-hold sa quarantine facility.
Nagbabala na rin ang PCG sa OFWs na nananatili pa sa quarantine facilities na huwag umalis at sa halip ay sumunod sa mga ipinatutupad na proseso kahit nahihirapan at naiinip na sila dahil kung hindi ay mahaharap sila sa kaso dahil sa paglabag sa quarantine protocol.
Marami na rin ang naisailalim sa polymerase chain reaction (PCR) testing ng Philippine Red Cross at hinihintay na lang ang resulta.
Bukod dito, maaaring masampahan din ang mga tumakas na OFWs ng paglabag sa Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Nabatid na tinatayang 18,000 mga OFWs ang na-stranded sa mga quarantine facilities sa Metro Manila dahil sa hindi pagtanggap ng kanilang mga lokal na pamahalaan.
Pinayuhan ni Balilo ang mga OFWs na dagdagan pa ang pasensya sa paghihintay sa resulta ng kanilang RT-PCR tests at ginagawa na ng PCG ang lahat ng paraan para mapabilis ito sa tulong ng Bureau of Quarantines.
Ang PCG ay kabilang sa naatasang mangasiwa at magpatupad ng mandatory 14-day quarantine period ng lahat ng repatriated land-based at sea-based OFWs.