MANILA, Philippines — Muling nanawagan kahapon si House Economic Stimulus co–Chairman at Albay 2nd Rep. Joey Salceda sa mga kapwa nito mambabatas na makiisa na ipasa agad ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) at bigyan ng 5% bawas sa Corporate Income Tax (CIT) ang mga negosyo upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa krisis sa COVID-19.
Sinabi ni Salceda na nilalayon ng CITIRA na maisaayos ang mga ‘tax incentives’ para sa mga negosyo kung saan ay mababawasan ang mga CIT mula 30% na pinakamataas sa buong Southeast Asia ay ibaba ito sa 20% na lamang sa loob ng 10 taon. Sa pamamagitan nito ay mapapalaki ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa kada taon habang nadadagdagan naman ng 0.9 lamang ang inflation rate.
Idiniin ni Salceda na siya rin Chairman ng House Ways and Means Committee na magsisilbi itong daan upang makabangon ang ekonomiya ng bansa na bumagsak dahil sa COVID-19 pandemic dahil mahihikayat ang mga mamumuhunan na mag-invest ng kanilang mga negosyo sa bansa.