^

Bansa

'Mahiya kayo': Pagdepensa ng PNP sa ECQ bday bash ng NCRPO chief kinastigo

James Relativo - Philstar.com
'Mahiya kayo': Pagdepensa ng PNP sa ECQ bday bash ng NCRPO chief kinastigo
Birthday celebration ni NCRPO director Maj. Gen. Debold Sinas na ipinaskil sa mismong Facebook ng National Capital Region Police Office Public Information Office. Wala silang face mask.
Released/PIO NCRPO

MANILA, Philippines — Nanggalaiti ang ilang mambabatas at senador sa pagdepensa ng pamunuan ng Philippine National Police sa nangyaring pa-birthday kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Debold Sinas kahit umiiral ang lockdown protocols laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Bawal kasi ang mga "mass gatherings" habang may enhanced community quarantine (ECQ), bagay na ipinagtanggol pa ni PNP chief Gen. Archie Gamboa.

"Hindi ba sila nahihiya sa sarili nila? ... Ang tapang din ng apog nilang ibalandra 'yun sa social media pages ng PNP, at ipinakikitang exempted sila sa lockdown measures gaya ng social distancing at pagbabawal sa mass gatherings," galit na sabi ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite sa Inggles, Miyerkules.

Sabi pa ni Gaite, kabalintunaan na inaaresto ng PNP ang mga relief volunteers ngayong ECQ kahit namimigay lang ng pagkain, habang tila libreng-libre ang mga opisyal ng gobyerno na lumabag sa sarili nitong mga patakaran.

Ipinaskil ang mga naturang litrato sa opisyal na Facebook page ng NCRPO, bagay na kanila ring binura matapos salubungin ng mga galit na netizens.

Bago naging director ng NCRPO, dating director ng Police Regional Office-7 si Sinas at iniuugnay noon sa "massacre" ng 14 magsasaka sa Negros Oriental.

'Walang party na nangyari'

Pero tugon ni Gamboa, hindi naman daw "party" ang nangyari kung hindi "mañanita," na isang uri ng surprise birthday harana.

"Walang party nangyari, ang sabi ni General Sinas. Probably nagkaroon ng mañanita," sagot ng pinuno ng PNP.

"I don’t think na meron violation ito."

Bukod pa riyan, siniguro naman daw na may physical distancing na nangyayari at may face masks ang mga dumalo. Pero klarong walang suot na face mask ang ilan sa litrato.

Tumugon na rin si Sinas sa isyu at sinabing hindi siya nagpa-party.

"Actually, walang nag-party. Mga well-wishers ko iyon. 'Yung mga tauhan ko na dumalaw... siyempre tatanggapin ko 'yun," depensa niya.

Uminit naman ang ulo ng mga militanteng konggresista sa "palusot" ng dalawang PNP officials.

"Bahala na sila kung anong tatawagin nila diyan, pero party talaga 'yun, at may klarong paglabag. Makikita naman sa mga litrato," dagdag ni Gaite.

"Kaysa i-absolve si Sinas, mas okey na tignan kung ano ang mga posibleng violations, lalo na't may mga litrato."

Ngayong araw, ipinag-utos na ni Gamboa sa PNP Internal Affairs Service na imbestigahan ang birthday celebration ni Sinas, matapos niyang depensahan ang pulis.

Napagkatuwaan pa ng ilang netizens ang nangyaring pagtitipon, at sinabing halos 50 ang nahagip ng camera sa isang litrato.

Double standards sa lockdown restrictions?

Ayon naman kay Sen. Francis "Kiko" Pangilinan, dapat masampolan ang mga pasimuno sa nasabing pagtitipon.

"Kung seryoso sila sa pagpapatupad ng batas sa lahat dapat sampahan ng kaso ang mga yan at ikulong kasama ang libo-libo na kinulong nila dahil sa ECQ violations," banggit niya sa isang pahayag.

Hindi ito ang unang pagkakataon na hindi nanagot ang ilang opisyal ng gobyerno sa diumano'y paglabag sa quarantine protocols.

Abril nang tipunin ni Overseas Workers Welfare Administration Deputy Administrator Mocha Uson ang 322 kataong naka-quarantine sa isang resort sa Batangas para pamahagian ng mga mga gamit sa personal hygiene.

Marso naman nang hindi mapanagot si Sen. Koko Pimentel dahil sa kanyang paglabag sa quarantine protocols, kahit na napatunayang may COVID-19 siya.

"Pagpapakita na naman ito ng double standards sa pagpapatupad ng lockdown restrictions. Inaaresto, dinadahas o binabaril ang ordinaryong tao, habang 'yung mga nasa kapangyarihan paparty-party lang," sabi pa ni Gaite. — may mga ulat mula kay The STAR/Paolo Romero at News5

BAYAN MUNA PARTY-LIST

DEBOLD SINAS

MASS GATHERINGS

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with