MANILA, Philippines (Updated 3:16 p.m.) — Nangako ng milyun-milyong pabuya si Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makatutulong sa pagkakaaresto ng mga bigating kumander ng New People's Army (NPA).
Sinabi 'yan ni Duterte sa talumpating inere kanina habang hinihintay ang desisyon sa extension o pagbawi ng enhanced community quarantine (ECQ).
"Ako 'pag nakapatay kayo ng commander o nakapagturo kayo saan natutulog 'yung commander o nakitulog... sabihin lang ninyo sa akin at ano... P2 million ako basta 'yung top commander," wika ni Digong.
"Totohanan kung sino ‘yung makaturo tapos doon sa army o pulis... may hati ka diyan sa pera."
Matatandaang nagbanta ng martial law si Duterte noong Abril kung tuloy-tuloy daw ang mangyayaring engkwentro sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng komunista sa gitna ng coronavirus (COVID-19) pandemic: "Pinapatay nila ang sundalo ko, ilang beses na."
Bukod sa reward, sinabi rin ni Duterte na ililipat ng tirahan ang mga makapagtuturo sa mga NPA at bibigyan ng panibagong identity gaya ng ginagawa sa "witness protection program."
"Kung taga-Abra ka, ihatid kita sa Mindanao doon sa mga Ilocano. Bigyan kita lupa, doon ka na lang mag-ano kasi kung hindi papatayin ka talaga eh," sabi niya pa.
Sinabi rin niya na nananatiling malakas ang NPA, ang armadong hukbo ng Communist Party of the Philippines, dahil sa mga lokal na opisyal na nakikisimpatya sa mga rebelde.
Aniya, kahit noon ay pinagdududahan din daw si Duterte na sumusuporta sa mga komunista. Dati rin kasing nakikisalamuha si Duterte sa mga rebelde at umaming miyembro noon ng Kaliwa.
"Well, I respect their decision in life: to die for their principle. Inyo ‘yan. Eh kami dito, eh also like you we are at disposal of our digni — destiny. Handa rin kaming mamatay para sa bayan," banggit pa niya.
Sinabi na noon ng CPP na ginagamit lang ni Digong ang pakikipaglaban sa mga NPA upang mapagtakpan ang mga kabiguan ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Kasalukuyang naghahatid ng "mass clinics," ayudang pagkain at tulong produksyon ang NPA bilang bahagi ng COVID-19 response, sabi ng CPP.
CPP: Reward gamitin na lang sa mass testing
Ipinagkibit-balikat lang ng mga rebeldeng komunista ang perang ipinatong ni Duterte sa kanilang mga ulo.
Sa panayam ng PSN, sinabi ni Marco Valbuena, information officer ng CPP, na magandang gamitin na lang ng gobyerno ang pera sa mas kapaki-pakinabang na bagay habang may COVID-19 crisis.
"Mr. Duterte, mas mabuti, gamitin mo na lang ang P2-milyong pabuya para sa mass testing, tracing at isolation sa COVID-19," tugon ni Valbuena.
Kwinestyon din ng mga rebelde ang pagpa-prayoridad ng gobyerno sa paggastos para maglunsad ng digmaan laban sa mamamayan.
Tinukoy din ni Valbuena ang planong paggastos ng $1.5 bilyon (P75 bilyon) ng gobyerno para bumili ng mga panibagong helicopter at missile mula sa Estados Unidos.
"[Those] should properly go to the people's urgent needs, instead of going to buy weapons that will be used to kill them," dagdag pa niya.
Kasalukuyang naghahatid ng "mass clinics," ayudang pagkain at tulong produksyon ang NPA bilang bahagi ng COVID-19 response, sabi ng CPP.
Lockdown para makapang-api?
Sa May 7 issue ng "Ang Bayan," opisyal na publikasyon ng CPP, sinabi ng mga komunista na ginagamit daw ni Digong ang COVID-19 pandemic para lalo pang makapang-api ng taumbayan.
"Under continuing lockdown, Duterte’s police and soldiers trample with impunity on the people’s basic rights," wika nila.
"Its efforts at mass testing are lacking, slow and disparate, and funds for examining samples are grossly insufficient."
Kanina lang nang ideklara ang pagpapatuloy ng enhanced community quarantine (ECQ) sa "modified" na anyo, sa Metro Manila, Cebu City at probinsya ng Laguna.
Aniya, imbis na masolusyunan ang krisis sa kalusugan at malubhang takot daw ang idinudulot ngayon ng lockdown ni Duterte, na dahilan para pasukin ng mga pulis at militar ang mga komunidad at private property.
Ilang linggo pa lang ang nakalilipas nang pag-aarestuhin ang ilang nagsasagawa ng relief operations habang may ECQ, maliban sa inabot na pambubugbog at pamamaril sa ilang lumalabag diumano sa lockdown.
"What it calls the 'new normal,' in essence, is aggravating the worst aspects of the semicolonial and semifeudal system," paliwanag pa ng partido. — James Relativo
Related video: