MANILA, Philippines — Hindi na maaaring bumalik ang mga mamamayan sa normal na pamumuhay bago magkaroon ng COVID-19 pandemic kahit pa ibaba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa general community quarantine ang ilang lungsod sa Metro Manila.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na, hangga’t walang bakuna o gamot na natutuklasan laban sa coronavirus disease 2019, malabo nang makabalik pa sa dating normal na pamumuhay.
Posible rin aniya na buhay ang maging kapalit kung magbubulag-bulagan ang mga mamamayan sa sitwasyon.
Ipinunto ni Roque na sa general community quarantine, bagaman at mas mababa sa enhanced community quarantine, hindi nangangahulugan na tapos na ang quarantine kaya dapat pa ring mag-ingat.
“Dahil ang ibig sabihin lang ng pagbaba ng ECQ sa GCQ, mayroon pa rin pong banta. Hindi lang ganoong katindi pero pag ibinaba sa GCQ yan po ay kritikal pa rin ang ating sitwasyon,” sabi ni Roque.