'Modified ECQ' idineklara sa Metro Manila, Laguna, Cebu, tatagal hanggang May 31
MANILA, Philippines (Updated 1:06 p.m.) — Muling napagpasyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang enhanced community quarantine (ECQ) na umiiral sa iba't ibang bahagi ng bansa bilang tugon sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
'Yan ang inilahad ni presidential spokesperson Harry Roque, Martes nang tanghali, batay sa inilabas na Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution 35.
Ilalagay sa modified ECQ ang mga nasabing "high risk" (containment zone) areas:
- probinsya ng Laguna
- National Capital Region
- Lungsod ng Cebu City
"Dahil modified enhanced community quarantine, naka-ECQ pa rin pero meron na pong ilang industriya na magbubukas," ani Roque.
Epektibo ang modified ECQ mula ika-16 ng Mayo hanggang ika-31 ng Mayo.
Under the modified ECQ, there will be limited movement, 50% operations of selected industries will be allowed, and there will be limited transpo services and continued suspension of physical classes. #COVID19PH pic.twitter.com/2nxPgVY0nb
— Philstar.com (@PhilstarNews) May 12, 2020
"Meron din pong limited na transportation services na allowed," dagdag pa ni Roque.
Lilinawin naman daw bukas kung anu-ano ang mga industriyang magbukas sa ilalim ng modified ECQ.
General community quarantine (GCQ) naman sa mga sumusunod na 'moderate risk' areas:
- Region II
- Region III
- Region IV-A (maliban sa Laguna)
- Cordillera Administrative Region
- Region VII (maliban sa Cebu)
- Region IX
- Region XI
- Region XIII
Tatawagin ding "buffer zone" ang mga lugar na nasa loob ng GCQ.
Wala namang ECQ o GCQ sa mga sumusunod na 'low risk' areas:
- Region I
- Region IV-B
- Region V
- Region VI
- Region VIII
- Region X
- Region XII
- Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM)
Magpapanatili ng "minimum health standards" sa mga lugar na walang ECQ o GCQ.
Una nang sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na pakikinggan ng gobyerno ang rekomendasyon ng Metro Manila Mayors na i-extend pa ang ECQ sa Metro Manila ng 15 pang araw.
Ilang araw na ring naghahanda ang sektor ng transportasyon sa Metro Manila kung ibaba ang GCQ, bagay na inaanunsyo sa mga low at moderate risk areas sa COVID-19.
Sa ilalim ng GCQ, pinapayagan uli ang ilang pampublikong transportasyon gaya ng mga tren basta't mas kaonti ang mga pasasakayin na pasahero.
Ang dating 1,115 pasahero na nakasakay sa isang three-car set ng MRT, magiging 153 pasahero na lang kada train sa ilalim ng GCQ, sabi ni Transport Undersecreary Timothy John Batan.
Kahit na magkaroon ng GCQ, pagbabawalan ang mga buntis at mga senior citizen sa loob ng mga LRT, MRT at Philippine National Railways, bagay na ipinoprotesta ng Commission on Human Rights.
Pinapayagan din ang operasyon ng mga "non-leisure stores" sa mga mall habang bubuksan din ang ilang shopping centers sa ilalim ng GCQ.
Gayunpaman, magiging papatayan ng Wi-Fi at magiging mas mainit ang airconditioning sa mga mall sa temperaturang 26°C upang maiwasan ang pagtambay ng mga tao.
Samantala, pinagbabawalan pa rin ng gobyerno ang mga religious gatherings at mass gatherings sa ilalim ng nasabing kaayusan. Aniya, halos imposible raw kasi ang social distancing sa mga lugar sambahan.
Related video:
- Latest