MANILA, Philippines — Umarangkada na ang second round na P3,000 cash assistance at food packs para sa mahigit 13,000 pamilya ng Palayan City sa Nueva Ecija.
Sinimulan na rin ang libreng rapid Covid testing para sa mga Palayanos sa pangunguna ni Mayor Rhianne Cuevas na isa ring licensed nurse.
Ayon kay Mayor Cuevas, binigyan nila uli ng tig-P3,000 ang bawat pamilya at kalahating timba ng bigas, mga gulay, karne, at de lata para maitawid ng mga kababayan niya ang krisis na ito.
“Hindi po lahat nabigyan ng SAC ng DSWD dito po sa amin pero siniguro po namin na walang magugutom kahit hindi sila napasama sa listahan ng DSWD dahil ang lokal na pamahalaan na ang pupuno ng kakulangan na iyon,” wika niya.
Una hanggang ikalawang linggo ng Abril namigay ng first wave ng mga food packs at P3,000 si Cuevas sa mga constituents niya kabilang na ang pagbibigay ng mga facemasks at personal protective equipments sa mga frontliners ng naturang lungsod.
Inamin ni Cuevas na 60 porsyento lang ng kababayan niya ang nabigyan ng social amelioration cash kung kaya’t namigay ito ng P3,000 bawat pamilya na nakatanggap man ng SAC o hindi.
At para masiguro na walang bawas ang pinamimigay na cash, mismong si Mayora at ilang mga tauhan nito ang nag-abot ng pera at tulong sa mga residente ng Palayan City.