MANILA, Philippines — Pabor ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na bigyan na ng suweldo at i-professionalize o taasan pa ang kuwalipikasyon para sa mga posisyon ng barangay officials.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ginagampanan na rin ng barangay officials ang tatlong pangunahing governmental functions gaya ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura, kaya’t dapat na rin aniyang itaas ang kuwalipikasyon at magkaroon ng professionalization sa barangay governance setup.
Dapat din aniyang hindi lamang honoraria, kundi sweldo na, ang natatanggap ng mga ito.
Aniya pa, higit ring kailangan ang “professional barangay” sa mga panahon ng kalamidad o disaster.
Sa kabilang dako, nagpahayag din si Malaya ng suporta sa isang panukala sa Kongreso na naglalayong malimitahan ang populasyon sa bawat barangay ng hanggang 15,000 lamang.
Naniniwala si Malaya na mas mabilis na maihahatid ang mga serbisyo sa mga residente sa bawat barangay kung kakaunti lamang ang mga ito.