MANILA, Philippines — Dalawang miyembro ng Philippine Navy ang nasugatan matapos magkaroon ng sunog sa BRP Ramon Alcaraz (PS16), ilang oras matapos itong umalis sa Port of Cochin, India at maglayag na pabalik sa Pilipinas noong Huwebes ng gabi.
Sinabi ni Lt. Commander Maria Christina Roxas, acting Director ng Naval Public Affairs Office, ang dalawang PN personnel ay nagtamo ng 2nd degree burn habang inaapula ang apoy.
Base sa imbestigasyon, naka-convoy sa BRP Ramon Alcaraz ang BRP Davao del Sur (LD602) nang mangyari ang insidente.
Ang sunog, ayon kay Roxas ay nagsimula sa main engine room kung saan mabilis namang nagresponde ang Rapid Response Team ng Phil. Navy na naapula ang apoy sa loob lamang ng mahigit 10 minuto.
Nagtamo naman ng bahagyang pinsala ang kagamitan sa nasabing barko.
Inihayag ng opisyal na kung hindi sa maagap na pagresponde ng kanilang mga personnel ay mas malala pa ang tinamong pinsala ng BRP Alcaraz.