COVID-19 recoveries sa bansa 1,734 na sa pag-abot ng kaso sa 10,463

Naghahandang magsuot ng personal protective equipment (PPE) ang ilang health workers bago mag-swab testing sa baranggay Pasaderia, San Juan noong ika-6 ng Mayo, 2020.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines (Update 1, 5:36 p.m.) — Isang linggo bago ang huling araw ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ika-15 ng Mayo, patuloy ang pag-angat ng mga bilang ng tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH), Biyernes.

Umabot na sa 10,463 ang kabuuang bilang ng nahahawaan ng virus sa bansa, sabi ng DOH sa kanilang latest data.

Naitala ang 120 panibagong kaso sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region  (84)
  • Region 7 (28)
  • iba pa (8)

Bigo namang gumaling sa COVID-19 ang dagdag na 11 kaso, dahilan para umabot na sa 696 ang namamatay dahil sa virus.

Umigi naman ang lagay ng 116 iba pa na nahawaan din ng virus, kung kaya't 1,734 na ang total number ng COVID-19 recoveries sa Pilipinas.

 

"As of yesterday ay nakapagsagawa na ang ating mga laboratoryo ng kabuuang 148,832 tests, at nakapag-test na ng 136,169 unique individuals," banggit ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

"Ang 13,655, o 10%, ay positibo [sa COVID-19). Samantalang 122,245, o 90%, ay negatibo."

Pinaalalahanan naman ni Vergeire ang lahat na sumunod pa rin sa mga health protocols kahit sa sandaling tanggalin na ang lockdown sa buong Pilipinas.

Kasama pa rin diyan ang physical distancing, pagsusuot ng facemask 'pag lalabas ng bahay, palagiang paghuhugas ng kamay at tamang pag-ubo.

"Alam na natin ngayon na ang pagbubukod sa mga may sakit ay isang mabisang paraan, kasama ng iba pa nating strategy, sa pagsugpo sa COVID-19," dagdag pa niya, habang wala pang gamot na natutuklasan.

1,934 HCW nagka-COVID

Samantala, umabot na sa 1,934 ang mga healthcare workers (HCWs) na ang nahahawaan ng virus. Sa bilang na 'yan, 1,451 pa ang mga aktibong kaso.

Narito ang breakdown ng mga kasalukuyang kaso:

  • mild (982)
  • asymptomatic (462)
  • severe (7)

Kahit na 39 sa HCWs ang namatay na, 449 naman ang manggagawang pangkalusugan na gumaling na sa virus.

Karamihan pa rin sa mga kaso ay mga nurse (721), na sinundan naman ng mga doktor (616).

Lagay sa buong mundo

Sumipa naman sa 3.6 milyon ang confirmed infections ng nakamamatay na pathogen sa buong mundo, sabi ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, 254,199 na ang patay.

Ang United States ang may pinakamalaking bilang ng COVID-19 cases sa ngayon sa daigdig, na halos 1.2 milyon na.

Nasa 1.6 milyong kaso ang nakita sa Europa, malayo sa 82,852 kaso sa buong Timog-Silangang Asya.

"WHO will continue to provide technical support to governments to inplement priority public health measures to prepare and respond to the pandemic, as well as other essential health services," sabi ni Tedros Adhanom, director general ng WHO.

"In certain fragile settings and countries with weaker health systems, WHO will continue its operational work as a provider of essential health services."

Show comments