Sa gitna ng franchise issue, 'TV Patrol' tuloy sa online broadcast

Makikita sa litratong ito ang pagbabalita ng "TV Patrol" news anchor na si Ted Failon.
Video grab mula sa Facebook ng ABS-CBN News

MANILA, Philippines — Tuloy sa pagbabalita ngayong gabi ang flagship national newscast ng ABS-CBN kahit nawala sa ere ang Channel 2 bunsod ng franchise expiration.

"May magbabalik. Abangan mamaya," sabi ng opisyal na Twitter page ng "TV Patrol," Huwebes nang hapon.

Inilabas ng longest-running Filipino evening newscast ang anunsyo matapos patigilin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng TV at radio stations ng ABS-CBN sa pamamagitan ng isang "cease and desist order." Nag-expire kasi ang legislative franchise ng Kapamilya Network noong ika-4 ng Mayo.

Pero hindi sakop ng NTC order ang pagpapalabas ng livestream sa pamamagitan ng internet.

Dahil diyan, pwedeng ipalalabas ang "TV Patrol" sa:

  • news.abs-cbn.com 
  • fb.com/abscbnNEWS
  • youtube.com/ABSCBNNews
  • iWant.PH

 

Bukod diyan, mapapanood din ang newscast sa ABS-CBN News Channel (ANC), isang 24-hour pay television.

Matatandaang hindi na-renew ang legislative franchise ng ABS-CBN matapos hindi maaksyunan ng Kamara ang nasa 12 panukalang batas na tumatalakay sa prangkisa.

Sa ilalim ng Radio Control Law (Republic Act 3846), sinasabing:

"No person, firm, company, association or corporation shall construct, install, establish, or operate a radio station within the Philippine Islands without having first obtained a franchise therefor from the Philippine Legislature."

Wala ritong binabanggit tungkol sa online broadcasts.

Kanina lang nang humingi ng "temporary restraining order" (TRO) ang ABS-CBN sa Korte Suprema upang matigil ang utos ng NTC.

Una nang sinabi ng Department of Justice na maaring bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para makapag-operate sapagkat may nakahain namang franchise bill na pinagdedesisyunan pa ng Kamara.

Dati nang hinayaan na mag-operate ang GMA-7 at TV5 kahit na nag-expire din noon ang kanilang mga legislative franchise. — James Relativo

Show comments