Sa gitna ng franchise issue, 'TV Patrol' tuloy sa online broadcast
MANILA, Philippines — Tuloy sa pagbabalita ngayong gabi ang flagship national newscast ng ABS-CBN kahit nawala sa ere ang Channel 2 bunsod ng franchise expiration.
"May magbabalik. Abangan mamaya," sabi ng opisyal na Twitter page ng "TV Patrol," Huwebes nang hapon.
May magbabalik. Abangan mamaya. #TVPatrol pic.twitter.com/EriD1tPdcd
— TV Patrol (@TVPatrol) May 7, 2020
Inilabas ng longest-running Filipino evening newscast ang anunsyo matapos patigilin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng TV at radio stations ng ABS-CBN sa pamamagitan ng isang "cease and desist order." Nag-expire kasi ang legislative franchise ng Kapamilya Network noong ika-4 ng Mayo.
Pero hindi sakop ng NTC order ang pagpapalabas ng livestream sa pamamagitan ng internet.
Dahil diyan, pwedeng ipalalabas ang "TV Patrol" sa:
- news.abs-cbn.com
- fb.com/abscbnNEWS
- youtube.com/ABSCBNNews
- iWant.PH
Bukod diyan, mapapanood din ang newscast sa ABS-CBN News Channel (ANC), isang 24-hour pay television.
Matatandaang hindi na-renew ang legislative franchise ng ABS-CBN matapos hindi maaksyunan ng Kamara ang nasa 12 panukalang batas na tumatalakay sa prangkisa.
Sa ilalim ng Radio Control Law (Republic Act 3846), sinasabing:
"No person, firm, company, association or corporation shall construct, install, establish, or operate a radio station within the Philippine Islands without having first obtained a franchise therefor from the Philippine Legislature."
Wala ritong binabanggit tungkol sa online broadcasts.
Kanina lang nang humingi ng "temporary restraining order" (TRO) ang ABS-CBN sa Korte Suprema upang matigil ang utos ng NTC.
Una nang sinabi ng Department of Justice na maaring bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para makapag-operate sapagkat may nakahain namang franchise bill na pinagdedesisyunan pa ng Kamara.
Dati nang hinayaan na mag-operate ang GMA-7 at TV5 kahit na nag-expire din noon ang kanilang mga legislative franchise. — James Relativo
- Latest