MANILA, Philippines — Tiniyak ng Palasyo na walang dahilan upang hindi lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang franchise bill ng ABS-CBN oras na pumasa ito sa Kamara at Senado, kahit na dati na niyang nakaalitan ang kumpanya.
'Yan ay kahit na ilang beses sinabi ni Digong na pipigilan niya ang renewal ng kanilang prangkisa, lalo na't hindi inere ng network ang kanyang political ads noong 2016 presidential campaign.
"Unless there is any constitutional affirmity, I don't think the president is inclined to veto it," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang online briefing, Huwebes.
"Sinabi na nga po ni presidente, neutral ako diyan. Gawin na ninyo ang katungkulan ninyo, bumoto nang naaayon sa inyong konsensya."
Ginagawa ang pag-"veto" upang harangan ang pagkakapasa ng anumang bill na pumasa sa dalawang chambers ng Konggreso.
Martes nang mapilitang umalis sa ere ang ABS-CBN matapos hainan ng "cease and desist order" ng National Telecommunications Commission, na nag-ugat sa pagkaka-expire ng kanilang legislative franchise noong Lunes.
Hindi pa rin kasi inaaksyunan ng Kamara ang 12 panukalang batas na tumatalakay sa renewal ng prangkisa ngayong 18th Congress.
Sa kabila niyan, sinabi rin ni Roque na nakikita at naririnig ng lehislatura ang hinaing ng mga empleyado't publiko sa pagkakatanggal ng kumpanya sa airwaves.
"[H]aving been myself a part of the House of Representatives, ang masasabi ko lang po, at ang presidente din po natin ay naging kongresista din, hindi naman po bulag, hindi naman bingi ang inyong mga representante sa mga hinaing ng taumbayan," banggit pa niya.
Nilinaw na rin daw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi kinakailangang magdusa ang 11,000 manggagawa ng Kapamilya network kahit na ngayong wala sila sa ere.
"Empleyado pa rin po sila. Kinakailangan swelduhan pa rin po sila despite the cease and desist order," saad pa ni Roque.
Mga senador vs NTC order
Samantala, inudyok naman ng 13 senador ang NTC na payagang mag-operate ang ABS-CBN at bawiin ang kanilang cease and desist order.
'Yan ang kanilang inirehistro sa pamamagitan ng Philippine Senate Resolution (PSR) 395 na nilagdaan ng sumusunod na senador:
- Sen. Risa Hontiveros
- Sen. Juan Miguel Zubiri
- Sen. Franklin Drilon
- Sen. Ralph Recto
- Sen. Sonny Angara
- Sen. Nancy Binay
- Sen. Pia Cayetano
- Sen. Sherwin Gatchalian
- Sen. Leila de Lima
- Sen. Lito Lapid
- Sen. Manny Pacquiao
- Sen. Francis "Kiko" Pangilinan
- Sen. Joel Villanueva
Paliwanag nila, dati nang pinapayagang mag-operate ng Konggreso ang mga kumpanyang magpatuloy sa operasyon kahit na napaso na ang dati nilang prangkisa.
Ilan dito ay ang:
- Catholic Bishops Conference of the Philippines Broadcast franchise (nag-expire noong ika-4 ng Agosto, 2017 at na-renew lang noong ika-22 ng Abril, 2019)
- Globe Innove (nag-expire noong ika-19 ng Abrl, 2017 at na-renew lang noong ika-14 ng Disyembre, 2019)
- PT&T (nag-expire noong Nobyembre 2015 at na-renew lang noong ika-21 ng Hunyo, 2016)
Bukod pa rito, sinabi rin ng 13 Senado na lahat permit, certificate at lisensya ng mga media network na mag-eexpire habang enhanced community quarantine ay mananatiling valid 60 na araw pagkatapos ng lockdown.
'Yan ay alinsunod daw mismo sa Memorandum Order 03-03-2020 ng NTC.
"This suggests that there is enough basis in policy and in practice to allow ABS-CBN corporation and its subsidiairies and/or affiliates to continue their operations pending the renewal of their respective franchises," patuloy ng mga senador.
Higit kailanman, mahalaga raw na may mapagkukunang libre at napapanahong impormasyon ang madla sa panahon ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
"[E]qually important, the cease and desist order against ABS-CBN will impact on 13,000 of its workers, creating joblessness that culd not be more ill-timed given the looming economic recession casued by the COVID-19 pandemic." — James Relativo