Kahit napakainit, 'low pressure area' posible pumasok ng PAR mamaya

Namataan ang isang low pressure area 1,275 kilometro silangan-timog-silangan ng Davao City kaninang alas-tres ng madaling araw, ayon sa ulat ng PAGASA, Huwebes.
Video grab mula sa Facebook ng PAGASA

MANILA, Philippines — Nagbabadyang lumapit ng Mindanao ang isang sama ng panahon sa gitna ng mainit na temperaturang umiiral sa malaking bahagi ng Pilipinas.

Namataan ang isang low pressure area 1,275 kilometro silangan-timog-silangan ng Davao City kaninang alas-tres ng madaling araw, ayon sa ulat ng PAGASA, Huwebes.
                        
"Ito ay posibleng makapasok na ng PAR ngayong gabi, o bukas nang madaling araw," sabi ni Ariel Roxas, weather specialist ng gobyerno.

"[I]to ay kumikilos pa-hilagang kanluran, at posibleng lumapit sa kalupaan ng Mindanao."

 

Bagama't mababa ang tiyansang maging bagyo, tinatayang makararanas ng mga localized thunderstorms sa Kabisayaan at Mindanao pagsapit ng hapon hanggang gabi.

Sa kabila ng mga pag-ulan, inaasahang magiging mainit pa rin at maalinsangan ang mga naturang lugar ngayong araw.

Umiiral ngayon ang "ridge" o extension ng high pressure area sa hilaga at gitnang bahagi ng Luzon, kasabay ng "easterlies," o mainit at maalinsangang hangin galing Dagat Pasipiko 

Ang easterlies ay nakaaapekto sa ibang bahagi ng bansa, dahilan para makaranas ng mataas na temperatura ang maraming lugar.

Tinatayang aabot sa 37°C sa Metro Manila ngayong araw habang 39°C sa Tuguegarao, na nakikitang pinakamainit na temperatura sa buong Pilipinas ngayong Huwebes.

Aabot naman 'yan sa 36°C sa Cebu habang 35°C naman ito sa Zamboanga. 

Martes nang maitala ang 37.3°C na init sa Metro Manila na sinasabing pinakamainit na temperatura sa Kamaynilaan ngayong 2020, ayon sa organisasyong Earth Shaker.

Show comments