MANILA, Philippines — Sinimulan nang muli ang infrastructure work ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) extension project sa Cavite.
Ito’y matapos na payagan ng pamahalaan na magpatuloy ang paggawa ng railway projects sa kabila ng umiiral na istriktong quarantine measures na ipinatutupad dulot ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Ayon sa Light Rail Manila Corp. (LRMC), pili lamang ang mga pagkukumpuni at infrastructure work na ipinagpatuloy nilang isagawa.
Ang LRT-1 extension project na may habang 11.7 kilometro, ang magpapalawig sa LRT-1 sa Metro Manila, patungo sa Bacoor, Cavite.
Inaasahan namang matatapos ang proyekto hanggang sa susunod na taon.
Matatandaang natigil ang proyekto noong Marso matapos ang ipinatupad na enhanced community lockdown sa Luzon.