15 ABS-CBN franchise bills 'di ginagalaw ng Kamara... simula 2014

Nagsindi ng kandila ang mga tagasuporta at ilang empleyado ng ABS-CBN kagabi sa tapat ng kanilang tanggapan bilang pagkundena sa pagpapatigil sa kanilang mag-operate ng National Telecommunications Commission (NTC).
The STAR/Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Lumalabas na lagpas kalahating dekada nang hindi pinalulusot ng House of Representatives ang mga inihahaing franchise renewal bills ng ABS-CBN simula pa noong 2014.

'Yan ay kahit naninindigan si House Speaker Alan Peter Cayetano na "walang intensyon" ang Kamara na ipasara ang ABS-CBN — isang broadcasting company na madalas bantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa non-renewal ng kanilang prangkisa.

Kagabi nang mag-sign off ang Kapamilya Network sa utos ng National Telecommunications Commission, matapos mapaso ang Republic Act 7966 na nagbibigay sa kanila ng 25-year legislative franchise hanggang ika-4 ng Mayo.

Narito ang listahan ng mga panukalang pare-parehong pending sa Committee on Legislative Franchises:

16th Congress

  • House Bill 7997 (inihain ni Rep. Giorgidi Aggabao), nakatengga mula Setyembre 2014

17th Congress

  • HB 4349 (Rep. Michaela Violago), nakatengga mula Nobyembre 2016
  • HB 8163 (Rep. Karlo Nograles, Rep. Jericho Nograles), nakatengga mula Setyembre 2018

18th Congress

  • HB 676 (Rep. Michaela Violago), nakatengga mula Hulyo 2019
  • HB 3064 (Rep. Jericho Nograles), nakatengga mula Agosto 2019
  • HB 3521 (Rep. Rose Marie Arenas), nakatengga mula Agosto 2019
  • HB 3713 (Rep. Joy Tambunting), nakatengga mula Agosto 2019
  • HB 3947 (Rep. Sol Aragones), nakatengga mula Agosto 2019
  • HB 4305 (Rep. Vilma Santos-Recto), nakatengga simula Setyembre 2019
  • HB 5608 (Rep. Aurelio Gonzales Jr., Rep. Johnny Pimentel, Rep. Doy Leachon), nakatengga simula Noyembre 2019
  • HB 5705 (Rep. Rufus Rodriguez), nakatengga simula Disyembre 2019
  • HB 5753 (Rep. Josephine Ramirez-Sato), nakatengga simula Disyembre 2019
  • HB 6052 (Rep. Carlos Zarate, Rep. Ferdinand Gaite, Rep. Eufemia Cullamat, Rep. France Castro, Rep. Sarah Elago), nakatengga simula Pebrero 2020
  • HB 6138 (Rep. Mark Go), nakatengga simula Pebrero 2020
  • HB 6293 (Rep. Loren Legarda), nakatengga simula Pebrero 2020

Ikinakagalit ngayon ng mga human rights at media groups ang hindi pag-asikaso sa mga panukala, sa dahilang pag-atake na ito sa freedom of the press.

Rason kaya 'di inasikaso

Noong 2014, panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III, sinasabing hindi inasikaso ng mga mambabatas ang franchise renewal sa dahilang "sa 2020 pa ito mag-e-expire."

Pebrero taong 2020, sinabi naman ni Cayetano na hindi nila minamadali ang ABS-CBN franchise dahil tatakbo pa naman daw ito "hanggang Marso 2022" — bagay na hindi nangyari.

"Bakit sinasabi kong hindi ito urgent? Don't get me wrong, napaka-importante ng franchise ng ABS-CBN, hindi lang sa 11,000 empleyado [na mawawalan ng trabaho]... Pero hanggang March 2022 ay pwede silang mag-operate eh," wika niya.

"Busy" rin daw sila noon habang tumutulong sa mga nalindol sa Mindanao noong 2019 habang nililikas pa raw ang mga naapektuhan ng pagputol ng Taal noong Enero.

Roque: Sana trinabaho na namin dati

Samantala, aminado naman si presidential spokesperson Harry Roque, na noo'y Kabayan party-list representative, na sana'y natalakay ang mga ito dahil "marami" namang oras.

"Noong congressman pa po ako noong 17th Congress, eh naisampa na 'yang panukalang batas na 'yan," wika niya sa virtual press briefing ng state-run PTV4.

"Siguro ay dapat pinukpok pa 'yan mula noong 17th Congress. Pero inabot na po ng indulto."

Kanina lang nang kastiguhin nina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman si Cayetano, sa dahilang hindi raw niya ginampanan ang trabaho.

Bagama't tutol si Solicitor General Jose Calida sa franchise renewal ng ABS-CBN, sinisi rin niya ang Konggreso dahil sa hindi nila pagpapasa sa mga panukala.

“The question we should be asking is, why hasn’t Congress acted on it? Who is at fault here?” sabi niya.

Mga pinag-operate kahit walang prangkisa

Bagama't inutusan ng NTC ang ABS-CBN na tumigil sa operasyon dahil sa expiration ng legislative franchise, hindi 'yan naging problema para sa iba pang media networks at telcos na nakaranas nito noon.

  • GMA Network Inc -  ika-20 ng Marso, 2017 nag-expire ang prangkisa, na-renew noong ika-21 ng Abril, 2017
  • TV5 Network Inc - Disyembre 2018 nag-expire, na-renew noong Abril 2019
  • Catholic Bishops' Conference of the Philippines - 2017 nag-expire pero 2019 na-renew
  • Subic Broadcasting Corp - 2017 nag-expire pero 2018 na-renew
  • Radio Marine Network Inc - 2018 nag-expire pero 2019 na-renew
  • Smart Communications - Marso 2017 nag-expire, Abril 2017 na-renew
  • Globe Innove - ika-10 ng Abril, 2017 nag-expire,  ika-14 ng Disyembre 2018 na-renew
  • Philippine Telegraph and Telephone Corp (PT&T) - 2015 nag-expire, 2016 na-renew

Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevara pwede pa ring mag-operate ang ABS-CBN kahit na mapaso ang kanilang prangkisa dahil may mga nakabinbin pang panukala sa lehislatura padating dito.

Show comments