'Kasalanan ng Kamara, ni Cayetano ang ABS-CBN franchise expiration'
MANILA, Philippines — Sinisi nina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at Albay Rep. Edcel Lagman ang pamunuan ng Konggreso, partikular si House Speaker Alan Peter Cayetano sa pagkakapaso ng prangkisa ng ABS-CBN, na dumulo sa pagkakatanggal nito sa ere kagabi.
Hindi kasi naaksyunan ng Kamara ang 15 panukalang batas ngayong 18th Congress na tumatalakay sa renewal ng ABS-CBN franchise, hanggang sa tuluyan itong mag-expire noong ika-4 ng Mayo, 2020.
"Sa totoo lang, sa isang araw puwedeng botohan ang ABSCBN franchise. Kasalanan ni Speaker Cayetano ito," ani Atienza sa magkahalong Inggles at Filipino sa panayam ng ANC, Miyerkules.
"Kasalanan namin ito eh, kasalanan ng Konggreso ito. Pero higit sa lahat... kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan."
Aniya, matagal na nilang pinapaalalahanan ang pamunuan ng Kamara na magtrabaho na ngunit hindi sila pinakikinggan hanggang sa nangyari na lang ang coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
'Yan din ang naging obserbasyon ng Free Legal Assistance Group (FLAG) pagdating sa isyu kahapon, matapos nilang idiin ang bigat ng nangyari sa mga miyembro ng Kamara.
Bukod pa riyan, sinabi rin ng FLAG na tinakot ni Solicitor General Jose Calida ang National Telecommunications Commission (NTC) na huwag bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN habang dinidinig pa ng Kamara ang mga panukala sa franchise renewal.
"Si Speaker Cayetano, iba ang ginagawa niya... binigo ng Kamara ang sambayanang Pilipino, at dapat tayong managot diyan," dagdag ni Atienza.
'Sumunod lamang ang komite'
Sinang-ayunan naman si Lagman sa pagsusuma ni Atienza na maging responsable si Cayetano sa kinahinatnan.
Wika ni Lagman sa panayam ng CNN Philippines, sana'y naiwasan ito kung agad nilang tinalakay ang mga panukala, bagay na mapagdedesisyunan daw kung inasikaso ito ng House leadership.
"Sumusunod lang naman si [Palawan Rep. Franz Alvarez, chairperson ng House Committee on Legislative Franchises] depende sa sinasabi ng speaker," paliwanag pa ni Lagman.
Pebrero 2020 nang sabihin ni Cayetano na "busy" ang Kamara kung kaya't hindi nila ginagawang prayoridad ang franchise renewal, sa dahilang abala pa raw sila sa pag-asikaso sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao at pagputok ng Taal noong Enero.
Umani ng malawak na pagbatikos mula sa media at human rights groups ang pagkakatanggal sa ere ng kumpanya, bagay na pag-atake diumano sa malayang pamamahayag.
Ilan sa mga nagsalita na tungkol sa isyu ang Amnesty Intenational, Commission on Human Rights, Karapatan, National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility.
"Sa panahon ngayon, labis nating idinidiin kung gaano kahalaga ang access sa credible information pagdating sa pagkalat ng COVID-19," sabi ni Jacqueline de Guia, spokesperson ng CHR.
"Ngayong off the air ang istasyon, nawalan uli tayo ng boses na aasahan ng tao para sa mahalagang impormasyon para protektahan ang sarili't mahal nila sa buhay kontra sa virus."
Kamay ni Digong?
Hinala tuloy ni Lagman, nagdadalawang-isip ang Kamara ipasa ang mga panukala dahil sa galit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kumpanya.
Tinutukoy ni Lagman ang pagkontra ni Digong sa frachise renewal dahil sa hindi pag-ere ng ABS-CBN sa kanyang mga patalastas noong 2016 preidential elections.
Una nang sinabi ni Duterte na tinanggap na niya ang paumanhin ng ABS-CBN, bagay na sana'y nagsilbing "go signal" na raw sa Kamara na aksyunan ang franchise bills.
"Dapat naging go signal na 'yun sa Kamara na magpatuloy [sa franchise renewal], maliban na lang kung laro lang 'yun [ni Duterte] para maisara ang ABS-CBN," sabi pa niya.
Una nang sinabi kanina ni presidential spokesperson Harry Roque na "neutral" at "tali" raw ang kamay ni Duterte sa paggagawad ng prangkisa.
- Latest