^

Bansa

Roque: ABS-CBN bibigyan ng prangkisa ni Duterte 'in 5 minutes' kung pwede lang

James Relativo - Philstar.com
Roque: ABS-CBN bibigyan ng prangkisa ni Duterte 'in 5 minutes' kung pwede lang
Kuha ni Pangulong Rodrigo Dutete habang nakikipagpulong sa Inter-Agency Task Force on the Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) noong ika-4 ng Mayo, 2020.
Presidential Photo/Toto Lozano

MANILA, Philippines — Nananatili ang Palasyo na "neutral" at tali ang kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa isyu ng pagkakaalis sa ere ng ABS-CBN kahapon dulot ng pagkakapaso ng prangkisa.

"[K]ung sino man ang makakapagpakita na makapagbibigay ng provisional authority o 'di naman kaya ng prangkisa ang presidente mismo, ipakita niyo po sa amin, and in five minutes, meron po kayong prangkisa o provisional authority," ani presidential spokesperson Harry Roque, Miyerkules.

"Pero sa pagkakaalam po namin, wala pong probisyon ang kahit anong batas."

Kagabi lang nang tuluyang lisanin ng ABS-CBN ang ere matapos utusan ng National Telecommunications Commission (NTC) na tumigil sa operasyon kasunod ng inilabas na "cease and desist order," kaugnay ng napasong prangkisa.

Ika-4 ng Mayo, 2020 nang mag-expire ang prangkisa ng ABS-CBN, matapos hindi maaksyunan ng Kamara ang sari-saring panukalang batas patungkol sa renewal nito.

Mahigit-kumulang isang dosenang panukalang batas ang nakatengga sa Kamara patungkol sa franchise renewal ng kumpanya.

Depensa noon ni House Speaker Alan Peter Cayetano, sadyang "busy" sila kung kaya't hindi nila ito nagagalaw. Aniya, hanggang March 2022 pa naman daw sila pwedeng mag-operate — bagay na hindi nangyari.

Escudero: Duterte pwedeng kumpasan ang NTC

Wika pa ni Roque, hindi pwedeng gumawa ng aksyon si Duterte hinggil sa prangkisa sa dahilang pang-aagaw na ito sa trabaho ng lehislatura.

"Kapag... ginamit ang kapangyarihan ng executive, ng buong presidency para mabigyan ng prangkisa, krimen din po 'yan, usurpation ang tawag po diyan," sabi pa ng tagapagsalita ng presidente. 

Aniya, kapangyarihan ng Konggreso, na maaaring simulan ng Kamara, ang pagdedesisyon pagdating sa mga prangkisa.

Pero bira ni Sorsogon Gov. Francis "Chiz" Escudero, may kapangyarihan ni Duterte na kumpasan ang NTC upang maibaliktad ang cease and desist order.

"PRRD can reverse the order of the NTC, being under the [Office of the President]," ani Escudero.

Nasa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang NTC. Ang DICT ay departamento sa ilalim ehekutibo, isang branch ng gobyernong pinangungunahan ng presidente.

Una nang nananawagan si Cayetano, Senado at Justice Secretary Menardo Guevarra sa NTC na bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN para makapag-operate, bagay na hindi ginawa ng komisyon.

Dagdag pa ni Escudero, hindi ito ang panahon para pagkaitan ng impormasyon ang publiko lalo na't nasa ilalim ng coronavirus (COVID-19) pandemic ang Pilipinas: "Government needs all the help it can get to fight COVID-19."

"The House of Representatives &, later on, the Senate can & should act, one way or the other, on the franchise application of ABS-CBN. They (especially the House) cannot & should not simply pay lip service & then sit on it while supposedly awaiting signals from Malacanang," dagdag pa niya.

Dati nang nakaalitan ni Duterte ang ABS-CBN kaugnay ng hindi pag-eere ng lahat ng kanyang political advertisements noong 2016 presidential elections, dahilan para sabihin niyang haharangan niya ang prangkisa ng kumpanya kung maaari noong 2019.

Pinatawad naman ni Digong ang Kapamilya Network matapos humingi ng tawad ni ABS-CBN President at CEO na si Carlo Katigbak patungkol sa nangyari.

Related video:

ABS-CBN

CHIZ ESCUDERO

HARRY ROQUE

LEGISLATIVE FRANCHISE

NATIONAL TELECOMMUNICATIONS COMMISSION

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with