^

Bansa

Kahit expired na ang ABS-CBN franchise, istasyon pwede mag-operate — DOJ

James Relativo - Philstar.com
Kahit expired na ang ABS-CBN franchise, istasyon pwede mag-operate — DOJ
Protesta sa labas ng ABS-CBN na sumusuporta sa pagre-renew ng prangkisa ng kumpanya.
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Hindi natinag ang Department of Justice sa naunang posisyon nitong maaaring magpatuloy sa serbisyo ang Kapamilya network kahit na nakatakdang mapaso ang prangkisa nito ngayong araw, ika-4 ng Mayo.

'Yan ay kahit na sinabi ni Solicitor General Jose Calida na hindi dapat bigyan ng "provisional authority" ng National Telecommunications Commission ang network para patuloy sumahimpapawid.

"[P]inaninindigan ng DOJ ang posisyon nito na may batayan para payagan ang broadcast entities na magpatuloy habang dinidinig ang renewal nito sa Konggreso," ani Justice Secretary Menardo Guevarra sa Inggles, Lunes.

Paliwanag ng DOJ, kahit na hinihingi ng batas na dapat may legislative franchise muna at license to operate ang mga istasyon ng telebisyon at radyo, wala aniyang batas na nagtatakda patungkol sa mga entidad na nabigyan na noon ng prangkisa, nakatakbo nang maraming taon, at hindi lang nabigyan ng prangkisa dahil "hindi pa naaaksyunan ng lehislatura ang renewal ng nasabing prangkisa."

Wika pa ni Guevarra, ilang beses na raw hinayaan ng Konggreso na ipagpatuloy lang ang nakagawian, kahit na hindi pa inuudyok ang NTC na maglabas ng pansamantala o provisional permit dahil naiipit sa ilang sitwasyong labas sa kanilang kamay.

"Sa kasong ito, ang nasabing kumpanya ay nabigyan na ng prangkisa at license to operate [noon], at naghihintay na lang ng deliberasyon para sa renewal nito," sabi pa ng DOJ.

Nagbanta kahapon si Calida na maaaring kasuhan ng graft ang NTC kung mapagdedesisyunang maglabas ng provisional authority sa ABS-CBN, kahit na Marso pa hinihikayat ng Senado at ni House Speaker Alan Peter Cayetano na maglabas ng otoridad.

Meron pang mga nakabinbing petisyon si Calida sa Korte Suprema na kumekwestyon sa prangkisa ng ABS-CBN, sa dahilang lumabag daw sila sa iba't ibang probisyon.

Umaapela ngayon sa NTC si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun na pagbigyan na ang hiling ni Cayetano na provisional authority ng ABS-CBN para tuloy-tuloy na makapag-operate.

'Pagpapasara iregular kung may pandemya'

Pinalagan naman ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang mga diumano'y maniobra na ipasara ang Dos, lalo na't mahalaga raw ang impormasyon sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

"Kung isasara natin ang isang major network [sa panahong ito], napaka-iregular naman niyan," ani Zubiri sa isang online press conference.

"Dapat tuloy-tuloy lang ang major networks sa pagbibigay nila ng impormasyon, maliban kung lumabag sila sa mga probisyon ng kanilang prangkisa."

Ilalaban din daw nila ang karapatan ng iba pang himpilan ng media gaya ng GMA, TV5 at IBC oras na mangyari ito sa kanila.

Una nang sinabi ng NTC na lahat ng mga prangkisang magtatapos habang nasa ilalim ng enhanced community quaratine (ECQ) ay awtomatikong makakapag-renew at mananatiling balido 60 araw matapos ang lockdown.

Palasyo: Duterte hindi makikialam

Tiniyak naman ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagang provisional authority ng ABS-CBN, habang patuloy na dumidistansya sa mga reklamong isinampa ni Calida laban sa network — kahit na abogado pa siya ng gobyerno.

Bagama't dating sinabi ni Duterte na tututulan niya ang renewal ng ABS-CBN franchise dahil sa mga hindi naiereng political advertisements para sa 2016 elections, pinatawad na raw niya ang himpilan.

"Ang alam ko po ay 'yung alam niyo rin. na napatawad ng presidente ang ABS-CBN. Pero hindi naman po pupwede na maimpliwensyahan ng presidente ang NTC," paliwanag ni presidential spokesperson Harry Roque kanina.

"Desisyon po ng komisyon 'yan. Hindi naman po pupwede na pangunahan ng presidente ang NTC pagdating sa isyung ito. Hayaan na po nating magdesisyon ang NTC."

Mahigit-kumulang 11,000 empleyado ng ABS-CBN ang nanganganib mawalan ng trabaho oras na tuluyang maipasara ang kumpanya. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

Related video:

ABS-CBN

DEPARTMENT OF JUSTICE

JOSE CALIDA

LEGISLATIVE FRANCHISE

MENARDO GUEVARRA

NATIONAL TELECOMMUNICATIONS COMMISSION

PROVISIONAL AUTHORITY

SOLICITOR GENERAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with