Pagtaas ng singil ng PhilHealth sa OFWs pinaiimbestigahan
MANILA, Philippines — Takdang maghain ng resolusyon si ACT-CIS partylist Cong. Eric Go Yap para imbestigahan ang umano’y pagtaas ng singil ng Philippine Health Insurance Corp. ng kontribusyon sa mga overseas Filipino workers.
Ayon kay Cong. Yap, dinagsa siya ng reklamo mula sa mga kababayang OFW dahil sa pahayag ng PhilHealth na magtataas ng kontribusyon na aabot sa 3.0 percent sa kanilang monthly salary.
Sa ilalim ng PhilHealth Circular 2020-2014 na may petsang April 2, 2020, inaatasan ng ahensya ang mga OFW na may monthly income na P10,000 hanggang P60,000 na magbayad ng P3.0 percent mula sa dating 2.75 percent lamang noong 2019.
“Ang gusto naming malaman ay kung bakit tinaasan? At bakit kailangang targetin ang mga kababayan nating OFW na nagsasakripisyo sa abroad,” pahayag ni Yap.
Dahil sa pagtaas ng paniningil ng PhilHealth, umalma ang mga OFW partikular sa social media lalo na raw ngayong panahon na merong kinakaharap na krisis ang buong mundo dahil sa COVID-19 pandemic.
Marami ring OFW ang apektado ang trabaho ngayon sa ibang bansa dahil sa pagkalat ng naturang virus kaya hiniling ni Yap na huwag namang gawing gatasan ang ating mga kababayang OFW lalo na ngayon na mayroong pandemic.
Bukod sa kanilang sakripisyo sa kanilang mga pamilya, napakalaki na ng ambag nila sa ating bansa, kaya huwag na natin silang dagdagan pa ng pahirap, giit ni Yap.
- Latest