Labor Day message ni Duterte
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at lalo pang maitaas ang dignidad ng mga nasa sektor ng paggawa.
Sa mensahe ni Pangulong Duterte sa pagdiriwang ng Labor Day kahapon, pinaalalahanan din nito ang business sector na makiisa sa responsibilidad na mapabuti ang buhay ng mga manggagawa sa pamamagitan nang pagbibigay sa kanila ng matatag na career opportunities at makataong working conditions.
Sinabi pa ng Pangulo na ang mga manggagawa ang pundasyon ng pag-asenso at paglago ng bansa.
Kilala rin aniya sa buong mundo ang galing sa trabaho at kasipagan ng mga manggagawang Filipino.
Sa huli ay sinabi ng Pangulo na umaasa siya na makakamtan ng bawat Filipino ang bunga ng kanilang pinagtrabahuhan na magiging daan para sa mas produktibo at marangal na pamumuhay.