MANILA, Philippines — Apektado ang kabuhayan ng milyun-milyong manggagawa't empleyado sa Pilipinas sa patuloy na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Pilipinas, ayon sa pahayag na inilabas ng isang economic think tank ngayong Labor Day, Biyernes.
Sa taya ng IBON Foundation, umaabot na 'yan sa 18.9 milyong trabaho simula nang ipatupad ang lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).
Tumutukoy ang bilang na 'yan sa pinagsama-samang bilang ng mga nawalan ng trabaho, naging part-time na lang ang pasok, nabawasan ang sahod at iba pang disruptions lalo na sa informal earners.
Narito ang breakdown ng grupo sa mga nasabing job disruptions:
- vendors, shopkeepers, sales persons sa wholesale at retail trade subsector (4.4 milyon)
- construction workers (2.7 milyon)
- magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda (2.5 milyon)
- pedicab, tricycle, jeepney at truck drivers (1.8 milyon)
- manggagawa sa manupaktura (1.5 milyon)
- hotel at restaurant employees (1 milyon)
"Kalakhan ng balanse ay nasa iba pang sektor lalo na sa serbisyo," sabi pa ng IBON sa Inggles.
Higit 'yan na mas mataas sa bilang na inilabas ng sari-saring government at financial institutions sa mga nagdaang linggo't buwan.
Sa proposed P370 bilyong stimulus bill ni Marikina Rep. Stella Quimbo, 29 milyong manggagawa, partikular sa trade, tourism at "non-essential" businesses na nagsara dahil sa ECQ ang apektado.
Aabot naman sa 1.8 milyong job losses ang naitalang datos ng National Economic and Development Authority (NEDA), malapit sa 1.83 milyong nawalan ng trabaho na naitala naman ng Asian Develpment Bank.
Nasa 1.6 milyong manggagawa naman ang naapektuhan ng pansamantalang closures ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), maliban pa sa 797,729 na nailagay sa "alternative work arangements."
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Enero 2020 na "steady" ang jobless rate sa Pilipinas, matapos itong mapirmi sa 5.3%.
Ayuda: Anyare na?
Una nang nangako ang gobyerno ng ayuda sa 18 milyong kabahayan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOLE at Department of Agriculture.
Matapos ang isa't kalahating buwan, sinabi naman ng IBON na nakarating pa lang ang emergency subsidies sa 11.2 milyong benepisyaryo, ayon sa mga pinakahuling datos.
"Nanggaling 'yan mula sa DSWD (10.2 milyon), DOLE-CAMP (407,300), DOLE-TUPAD (275,000), DOLE-AKAP (70,000) at DA (354,875)," dagdag nila.
"[K]ahit gamitin natin ang target ng gobyerno, meron pang 6.8 milyong benepisyaryo ang walang cash assistance para mag-compensate sa loss of income ng mga pamilya... dahil sa lockdown."
Kung ihahambing 'yan sa 18.9 milyong na-displace diumano ng ECQ, 7.7 milyong Pilipino pa ang hindi naaabot.
Sabi pa nila, susing sektor ang manggagawang Pilipino sa pagtulong sa bansa sa COVID-19 pandemic, dahilan para bigyan daw nang todong suporta ni Pangulong Rodrigo Dutete ang mga naapektuhan.
Iminumungkahi rin nila ngayon na tanggalin na ang mga "burukratikong" hadlang para makakuha ng SAP nang matugunan ang mga kakulangan. — James Relativo