Kahit 'lockdown': Labor Day protests hindi napigilan, idinaan sa online streaming

Makikita sa larawang ito ang virtual mass protest na inilunsad ng mga militanteng grupo ngayong Labor Day, na nilahukan ng libu-libong netizens.
Video grab mula sa Facebook ng Kilusang Mayo Uno

MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, idinaan sa online streaming ang maraming protesta kaugnay ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Kahapon lang nang magbabala ang Philippine National Police laban sa paglulunsad ng mga mobilisasyon, para na rin daw hindi na kumalat pa ang COVID-19. 

Karaniwang siksikan kasi at imposible kasi ang "social distancing" sa mga malalakihang rally, na ipinagbabawal ngayon sa ilalim ng enhanced community quarantine.

Pero pasado alas-diyes nang umaga pa lang ay nagsimula nang sabay-sabay mag-live sa Facebook at Zoom ang sari-saring grupo na pinangungunahan ng Kilusang Mayo Uno, Sentro, atbp.

 

 

"Nakikiisa po ang mga manggagawang Pilipino sa buong daigdig sa iba't ibang anyo ng protesta [buhat] ng napakatinding epekto ng COVID-19 pandemic sa buong mundo," ani Jerome Adonis, secretary general ng KMU, na nagdiriwang ng kanilang ika-40 anibersaryo.

"Napakalaki po ng pinsala sa usapin sa larangang pang-ekonomiya, sa usapin ng mga manggagawa... sila po 'yung tinatamaan ng napakatinding epekto nitong COVID-19 sa kasalukuyan."

Aniya, hindi raw maayos na naharap ni Pangulong Rodrigong Duterte ang health crisis lalo na't kapos pa rin daw ang inaabot ng ayuda't mass testing sa bansa.

Maraming manggagawa't empleyado sa ngayon ang walang trabaho't kinikita habang may ECQ, na nagsuspindi sa lahat ng pampublikong transportasyon at naglimita sa kilos ng mga residente.

"Ang husga ng mga manggagawa kay Duterte, isa siyang pangulo na pabaya, inutil, barumbado, mamamatay-tao," dagdag ni Adonis.

Kaliwa't kanan daw kasi sa ngayon ang pagkamatay ng mga health workers, pag-aresto't pamamaslang sa mga taong nais lang daw tumulong sa panahon ng pandemya.

Ayon sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 1,619 healthcare workers na ang tinatamaan ng COVID-19. 33 sa kanila ang binawian na ng buhay.

Kahapon lang nang patayin sa harap ng kanyang bahay sa Iloilo si Bayan Muna party-list coordinator na si Jory Porquia, na kilalang nangunguna sa mga relief operations at community kitchens habang lockdown.

Abril naman nang arestuhin sina dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao at anim na volunteers na nagre-relief operation sa Norzagaray, Bulacan dahil sa "unauthorized" daw sila.

Online effigy, pagtatanghal

Tulad ng mga nakagawiang malalakihang protesta, nagkaroon pa rin ng mga kultural na pagtatanghal gaya ng pagtugtog at pag-awit.

Ilan sa mga nag-perform ay sina Noel Cabangon, Danny Fabella, Plagpul, atbp. 

Sabay-sabay pa ring nagsi-awitan ng "Internationale" — na kilalang awitin ng pandaigdigang kilusang manggagawa — ang mga nakilahok sa virtual protest na dinaluhan ng mahigit isang-libong netizens.

Nagtapos pa rin ang programa ng KMU sa tradisyunal na pagsusunog na "mini effigy" ni Duterte, na madalas ginagawa sa kalsada habang tumatakbo paikot ang mga bandila ng organisasyon.

 

 

"Matapos ang ECQ, hindi tayo mag-aasam na bumalik tayo sa dati, o sa tinaguriang normal. Hindi na uubra ang dati, ang pagiging normal ng kahirapan, panunupil at pambubusabos," sabi naman ni BAYAN secretary general Renato Reyes Jr.

"Matapos ang ECQ, hindi natin hangad na bumalik sa normal. Hangad natin ang pagbabago ng umiiral na bulok na sistema."

Dismayado rin ang grupong BAYAN lalo na't 11.7 milyong pamilya raw mula sa 18 milyon ang hindi pa rin nakatatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

Noise barrage, pisikal na protesta

Bagama't kalakhan ng mga aktibidad at pagkilos ngayong araw ay online based, may ilang grupo pa ring nagtipon-tipon para isigaw ang kanilang mga daing.

Sari-saring pormasyon naman na kaalyado ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang nagsagawa ng maliitan at "decentralized" na mga mobilisasyon sa mga komunidad, habang sumusunod sa social distancing.

Ilan diyan na inilunsad sa Bulacan, Caloocan, Batangas, Cebu, Tacloban at iba pang mga lokalidad.

 

 

Reklamo ng BMP, milyun-milyong manggagawa ang naitulak sa disempleyo at kagutuman ngayong quarantine dahil sa walang pera't naiuuwing sahod.

"Halos lahat ng pangangailangan ay kailangang bilhin. Magkakapera lamang kung magbabanat ng buto kapalit ng sweldo," ayon sa BMP.

"Makalipas ang anim na linggo, 22% pa lamang ng target ang nabahaginan ng [social amelioration program] dahil sa burukratikong proseso para ma-avail nito tulad ng validation ng beneficiaries."

Iprinotesta rin nila ang aniya'y "naghihingalong" healthcare system sa bansa, sa dahilang 19 manggagawang pangakulusugan lang ang hinahati para maglingkod sa mahigit 10,000 katao.

Maliban sa 75% raw ng mga ospital ay pribado, 1,572 lang daw ang ventilators na meron sa Pilipinas na kailangang-kailangan ng mga may COVID-19. 423 raw dito ay nasa Metro Manila.

Kanina lang nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na titiyakin ng gobyerno na rerespetuhin at proprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

"Ngayong araw, binabati natin ang manggagawang Pilipino na pundasyon ang pagbabanat ng buto sa yaman at pag-unlad ng bansa," ayon kay Digong sa isang pahayg sa Inggles.

"Sasamantalahin ko ang pagkakatayong ito upang pagtibayin ang pangakong paninindigan ang dignidad ng paggawa sa pamamagitan ng pagprotekta sa karapatan ng mga manggagawa gamit ang batas at pagpapantay ng mga pwersang panlipunan."

Show comments