Kaso ng COVID-19 sa 'Pinas 8,488 na sa pagtaas ng global cases sa 3 milyon
MANILA, Philippines (Update 1, 5:35 p.m.) — Hindi pa rin nahihinto ang pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa sa pagtatapos ng Abril, ayon sa tala ng Department of Health ngayong Huwebes.
Umaabot na sa 8,488 ang bilang ng kumpirmadong virus infections sa Pilipinas matapos madagdagan ng 276 ngayong araw.
Samantala, patay naman sa sakit ang 10 pa, dahilan para umakyat ang kabuuang local death toll sa 568 kaugnay ng pagkalat ng pandemic.
Sa kabila niyan, mas mataas naman nang husto ang mga gumagaling sa virus sa 1,043. 'Yan ay matapos maitala ang panibagong 20 recoveries.
Nasa 3,018,952 na ang nahahawaan ng coronavirus sa buong mundo, ang virus na nagsasanhi ng COVID-19, ayon sa ulat ng World Health Organization.
Pumapatak naman ngayon sa 207,973 ang namamatay dito mula sa iba't ibang bansa.
Tatlong buwan na ang nakalilipas simula nang magdeklara ng "public health emergency" ang WHO dahil sa virus, na nagsimula sa isang cluster ng pulmonya sa Wuhan, China.
"I have said it before: this virus can wreak havoc. It’s more than any terrorist attack," wika ni Tedros Adhanom Ghebreyesus, director-general ng WHO, sa kanyang huling talumpati.
"But the choice is ours, and the choice should be unity at the national level. The choice should be global solidarity, standing in unity."
Healthcare workers na tinamaan
Samantala, parami naman nang parami ang bilang ng mga manggagawang pangkalusugan na tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, pagkukumpirma ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sa isang virtual presser, sinabi ni Vergeire na umabot na sa 1,619 ang mga healthcare workers (HCWs) na tinatamaan ng virus.
Narito ang breakdown ng mga nabanggit:
- doktor (557 kaso, 24 patay)
- nurse (604 kaso, 7 patay)
- nursing assistant (99 kaso)
- medical technologist (63 kaso)
- radiologic technologist (31 kaso)
- respiratory therapist (17 kaso)
- midwife (18 kaso)
- pharmacists (13 kaso)
- iba pang HCWs (217 kaso)
Nasa 33 naman sa kanila ang binawian ng buhay sa kasawiang-palad.
"Kami po ay taos-pusong nakikiramay sa mga pamilya at kaibigan na naulila ng atng mga healthcare workers na pumanaw dahil sa sakit na ito," ani Vergeire.
"Ngunit nais naman po namin ibalita na 250 naman po sa ating mga healthcare workers ang recovered o gumaling na sa COVID-19."
- Latest