16-day-old baby boy, pinakabatang COVID-19 survivor sa Pilipinas

Litrato ng isang sanggol, na 16 araw pa lang mula nang ipinanganak, na tumalo sa nakamamatay na COVID-19.
Released/Department of Health

MANILA, Philippines — Habang parami nang parami ang tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, nagpamalas naman nang kakaibang determinasyon ang isang lalaking sanggol na wala pang isang buwan para mapangibabawan ang nakamamatay na virus.

"Kilalanin si BABY SURVIVOR, isang 16-day old baby na gumapi sa COVID-19!" sabi ng Department of Health sa Inggles sa Facebook.

 

 

Ayon sa DOH, inalagaan nang 11 na araw ng kanilang frontliners mula sa National Children's Hospital ang bata hanggang sa tuluyang gumaling sa COVID-19.

Sa tala ng gobyerno noong Miyerkules, pumalo na sa 8,212 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas, habang 6,631 dito ang "aktibong" kaso pa.

Higit na marami pa rin ang mga gumagaling dito sa bilang na 1,023 habang 558 sa kanila ang hindi pinalad mabuhay.

Umabot na sa 80,858 katao ang na-test para sa virus habang 71,142 na rito ang nagnenegatibo.

"Nangangako kami sa DOH na magbigay ng mga pangangailangang pangkalusugan at personal protective equipment habang tumatanggap ang aming mga pasilidad ng mga pasyenteng iba-iba ang edad," sabi pa ng DOH.

"MULI, SALUDO KAMI SA ATING MGA HEALTHCARE WORKERS!" — James Relativo

Related video:

Show comments