MANILA, Philippines — Isang babaeng law graduate mula sa Legazpi City sa Bicol region ang nag-Top 1 sa 2019 Bar Examinations na nakapagtala ng 2,103 pumasang examinees.
Sa inilabas na resulta ng 2019 Committee on Bar Examinations, nanguna si Mae Diane Azores ng University of Sto. Tomas-Legazpi nang makakuha ng iskor na 91.04%.
Nasungkit naman ng kapwa niya law student sa UST-Legazpi na si Myra Baranda ang Top 3 sa puntos na 88.82%. Pasok sa Top 10 sina Princess Fatimas Parahiman ng University of the East (2nd- 89. 52%), Dawna Fya Bandiola ng San Beda College-Alabang (4th-88.33%), Jocelyn Fabello ng Palawan State University (5th- 88.23%), Kenneth Glenn Manuel ng University of Sto. Tomas (6th- 88.17%), Rhowee Buergo ng Jose Rizal University (7th- 87.87%), Anton Luis Avila ng Saint Louis University (8th- 87.58%), Jun Dexter Rojas ng Polytechnic University of the Philippines (9th- 87.57%) at Bebelan Madera ng University of St. La Salle (10th-87.37%).
Ang 2,103 na pumasa ay 27.36 porsyento ng kabuuang 7,685 examinees na sumabak sa pagsusulit.
Samantala, walang magaganap na bar examinations ngayong 2020 makaraang magdesisyon ang Korte Suprema na suspindihin ito ngayong taon dahil sa umiiral na pandemya.
Inihayag ito ng Korte Suprema sa inilabas na Bar Bulletin na pirmado ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, chairperson ng 2020 bar exams.
Sinabi ni Leonan na sa darating na Hunyo sila maaaring makapagbigay ng petsa kung kailan itutuloy ang 2020 bar exams na posibleng sa darating na 2021 na. Maaari itong isagawa alinman sa Maynila o sa Cebu City.