Mga lugar na apektado ng ECQ hanggang ika-15 ng Mayo binago ng gobyerno
MANILA, Philippines — Binago ng pamahalaan ang listahan ng mga lugar na mananatiling nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) mula sa ika-1 hanggang ika-15 ng Mayo, ayon sa deklarasyon ng Palasyo ngayong Martes.
Sa anunsyo ng Malacañang, sinasabing palalawigin pa nang hanggang dalawang linggo ang ECQ sa mga sumusunod na lugar:
- Kamaynilaan
- Gitnang Luzon, maliban sa Aurora
- Calabarzon
- Pangasinan
- Benguet, kasama ang Lungsod ng Baguio
- Iloilo
- Cebu, kasama ang Lungsod ng Cebu
- Lungsod ng Davao
Ang mga lugar na wala sa listahan — na itinuturing na "moderate-" o "low-risk" — ay ilalagay naman sa general community quarantine.
Sa mga naturang lugar, magpapatupad ng mas maluluwag na panununtunan tulad ng panunumbalik ng pampublikong transportasyon sa mas mababang kapasidad. Bubuksan na rin ang ilang industriya sa mga nasabing lokalidad.
Dating inilagay ng pamahalaan ang Orental Mindoro, Occidental Mindoro, Albay at Catanduanes sa listahan ng mga nasa ilalim ng ECQ.
Naroon din dati sa naunang listahan ang mga probinsya ng Aklan, Antique, Davao del Norte at Davao de Oro ngunit dumaan sa muling pagsusuri.
Matatandaang pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lockdown ng Metro Manila at ilang high-risk areas sa bansa nang dalawang linggo upang lalong mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa tala ng Department of Health (DOH) noong Lunes, tumama na ang sakit sa 7,777 habang 511 na sa kanila ang namamatay. Nasa 932 naman ang kabuuang bilang ng mga gumagaling sa sakit sa bansa. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
Related video:
- Latest