Parusa vs Mocha Uson sa OFW 'mass gathering,' OWWA ang bahala
MANILA, Philippines — Bahala na raw ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung parurusahan nila ang kanilang deputy administrator at dating celebrity personality na si Mocha Uson matapos dumalo sa isang pagtitipon habang ipinatutupad ang lockdown kontra coronavirus disease (COVID-19).
"Si Bb. Mocha Uson po ay nagtratrabaho ngayon sa OWWA. So ifo-forward po namin itong information na ito doon sa OWWA administrator at siya po ang bahalang magdesisyon," sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang virtual briefing, Martes.
Ika-25 ng Abril nang ipaskil ng FAPS International ang video ni Uson para kitain ang 322 overseas Filipino workers na naka-quarantine sa isang Batangas resort — kahit ipinagbabawal ang "mass gatherings" habang ECQ.
Malubhang ipinagbabawal ang malalakihang pagtitipon sa ngayon bilang pag-iingat ng gobyerno sa lalong pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Prohibition of mass gatherings and imposition of strict home quarantine among all households
- "Movement shall be limited to accessing basic necessities, provision for food and essential health services shall be regulated."
Sumasailalim sa 14-day quarantine sa Matabungkay Resort ang nasabing OFWs, na pinamahagian daw ng mga gamit sa personal hygiene ni Uson. Nakatakdang dumaan sa rapid COVID-19 testing ang mga taong tinipon.
Kinumpirma naman ni Uson ang kanyang pagdalo sa nasabing pagtitipong sa kanyang Twitter account mismo.
Kinumusta rin po natin ang kalagayan ng 322 OFWs natin sa Matabungkay Lian Batangas pic.twitter.com/oUhYOFO66Q
— Mocha Uson Blog (@MochaUson) April 26, 2020
Pagsuway mismo sa OWWA?
Idinaos pa rin ang nasabing pagdaraos sa kabila ng mga panuntunang inilatag ng OWWA para sa lahat ng OFWs na sumasailalim sa mandatory quarantine:
- Manatili sa loob ng kwarto.
- Kung pinahihintulutang lumabas ng kwarto, limitahan ang oras sa labas at huwag lalayo.
- Sundin ang "social distancing."
- Iwasang makihalubilo sa mga lokal na residente ng baranggay kung nasaan ang quarantine facility.
- Makipag-ugnayan agad sa mga kawani ng AFP/PNP/PCG/OWWA o sa pamunuan ng tinutuluyang quarantine facility kung kinakailangan.
Una nang pinaliwanag ng Department of Health na tumutukoy ang social distancing sa paglayo ng hindi bababa sa isang metro mula sa iba pa upang 'di kumalat ang virus.
Pero reklamo tuloy ng mga netizens, hindi nasunod ang mga 'yan dahil sa nangyari. Dahil diyan, ipinapanawagan tuloy ng marami ang magbitiw na o arestuhin si Uson. — may mga ulat mula kay Interaksyon/Jeline Malasig
- Latest