MANILA, Philippines — Mahigit dalawang milyong manggagawa sa bansa ang nawalan ng trabaho makaraang ipatupad ng pamahalaan ang community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng sakit na coronavirus disease 2019.
Ito ang nabatid sa Department of Labor and Employment (DOLE) kamakalawa na nagsabing, hanggang noong Abril 24, umabot sa 2,073,362 ang bilang ng mga manggagawa na naapektuhan batay sa report ng 79,271 establisimiyento.
Idinagdag ng DOLE na 1.4 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho sa pansamantalang pagsasara ng mga negosyo.
Mahigit naman sa 687,000 manggagawa ang nabawasan ang kinikita makaraang magpatupad ang mga kumpanya ng alternative work arrangements tulad ng less workdays, rotation, forced leave at telecommuting.
Pinakamataas na bilang ng mga naapektuhang manggagawa ang nasa Metro Manila na umaabot sa 687,634.
Sinabi pa ng DOLE na 90% ng mga establisimiyento na nagreport ng work displacements ang humihiling ng CAMP [COVID-19 Adjustment Measures Program] para matulungan ang kanilang mga manggagawa.
Binanggit ng DOLE na nakapagpalabas na ito ng P1.7 bilyon para matustusan ang one-time P5,000 assistance sa ilalim ng CAMP para sa 345,865 formal sector workers.