Año sa LGUs: Tapusin ang pamimigay ng 'lockdown ayuda' sa Huwebes
MANILA, Philippines — Pinagmamadali ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan sa kanilang pamamahagi ng Social Amelioration Program habang nagapatuloy ang enhanced community quarantine laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, Lunes, may apat na araw na lang ang mga LGU para ipamahagi ang P5,000 hanggang P8,000 ayuda sa 18 milyong low-income families na tinamaan ng lockdown.
"Ibinaba na po ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pondo para sa SAP emergency subsidy sa mga LGUs kaya wala na pong dahilan para hindi iyan makarating sa ating mga kababayang kapos-palad ngayong panahon ng pandemya," sabi ni Año.
"May kasabihan tayo na ‘aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.'"
Nakakukuha raw kasi ng mga ulat ang DILG na ilang pamilya pa rin ang hindi nakatatanggap ng SAP, kahit na magsisimula na sana ang pamimigay ng second wave nito sa Mayo.
Aabot sa P100 bilyon pondo mula sa "Bayanihan to Heal as One Act" ang inilaan para sa ayuda ngayong Abril habang P100 bilyon uli ang gagamitin para sa Mayo.
Dagdag pa ng kalihim, maaaring panagutin ang mga LGU kung hindi nila masusunod ang memorandum of agreement na nilagdaan sa Department of Social Welfare and DEvelopment (DSWD).
Tiniyak naman niyang uunahin ng gobyerno ang pamimigay ng ayuda sa mga "napag-iwanan" sa pagtanggap ng SAP sa pag-arangkada ng ikalawang wave ng distribution.
"Magsisimula na tayo ng pamimigay ng second wave ng SAP sa Mayo. Let us ensure that all families left out who belong to the masterlist will also receive the emergency subsidy this time," sabi pa ng DILG.
Hindi natatamaan ang target?
Sa taya ng IBON Foundation, 4.3 milyong pamilya, o 24% pa lang ng target na 18 milyong pamilya ng gobyerno, ang naaabot ng emergency subsidies ng gobyerno.
Bagama't P5,000 hanggang P8,000 dapat ang SAP, nakapagtataka rin daw na P4,392 lang daw ang average na natanggap ng mga recipients.
Ang mga naturang numero ay ibinatay daw ng grupo sa huling ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Konggreso noong ika-20 ng Abril.
"This means that as many as 13.6 million or 76% of the 18 million poorest families have not received emergency subsidies and are going hungry," patuloy ng grupo.
Matatandaang itinigil na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) matapos diumano "maubos" ang P1.6 bilyong pondo nito.
Nasa 264,154 formal workers lang din daw ang nakatanggap ng P5,000 financial assistance as of April 19, na 2.5% lang daw ng 10.7 milyong manggagawa sa bansa, na apektado ng ECQ.
Kasalukuyang walang sinasahod ang maraming manggagawa at empleyado na "no work no pay" habang ipinatutupad ang lockdown sa sari-saring parte ng bansa. — James Relativo
- Latest