'Pagdidilig nang walang facemask' nauwi sa karahasan sa Makati habang lockdown

MANILA, Philippines (Updated 3:57 p.m.) — Nauwi sa pisikalan ang tangkang pag-aresto sa isang may-edad na banyaga sa Lungsod ng Makati kaugnay ng pagdidilig sa kanilang private property habang may enhanced community quarantine (ECQ).

Sa isang pahayag, inireklamo ni Javier Salvador Parra, residente ng Dasmariñas Village, Makati, ang pananakit, pag-"trespass" at tangkang pag-aresto ng Philippine National Police kahit wala raw siyang nilabag na batas.

Ani Parra, ibinalibag siya ng pulis sa semento at inaaresto nang ipagtanggol ang kasambahay na pinagmumulta ng P1,000 sa salang pagdidilig nang walang facemask kahit nasa sariling bakuran.

"I am shocked that Makati police has entered my private lawn and property to arrest me because my staff Cherelyn watered the plants on my property without wearing face mask," wika ni Parra.

"It escalated with the police man charging at me and trespassing my private property without a valid search warrant and wanting to arrest me for no valid reason."

Ngayong Abril nang sabihin ni Inter-Agency Task Force spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na required ang pagsusuot ng facemask kapag lalabas ng kanilang bahay bilang proteksyon laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Vini-videohan ng asawa ni Parra ang sagutan ng banyaga sa tabi ng sidewalk hanggang sa mauwi ito sa loob ng ari-arian nila.

"Despite of this, on my own lawn, the policeman grabbed my hands and brutally threw me to the ground and caused me physical injury and abrasions as pictured," dagdag niya.

Pinabayaan na raw siya ng pulis matapos maki-usap ng kanyang misis dahil wala naman siyang warrant, habang binabanggit na meron siyang spine injury.

Takot pa ng residente, baka nabaril na siya gaya ni Winston Ragos, isang dating sundalo na may sakit sa pag-iisip na napatay ng PNP, kung hindi kinukunan ng kanyang asawa ang nangyayari.

'Mapayapa ang pulis, lasing ang dayuhan'

Ayon naman kay PNP chief Police Gen. Archie Gamboa, inutusan na niya si Police Maj. Gen. Debold Sinas, regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente na nangyari kahapon. 

Sa paunang impormasyon na kanilang nakuha, rumoronda raw ang mga tanod at Makati Police nang lapitan nila ang kasambahay sa labas nang bahay nang walang facemask.

"Hiningian ng ID ang househelper para mabigyan siya ng violation citation ticket. Pero... lumabas si G. Parra na lasing, walang damit pang-itaas, at kinumpronta ang pulis at tanod gamit ang mga mura't [dirty finger]," paliwanag ng PNP public information office.

"Nauwi ito sa tangkang pag-restrain kay G. Parra pero pumalag siya, gaya ng nakita sa video na kinuha ng Tanod ng baranggay Dasmariñas."

Naghahanda na rin daw ang Makati Police ng mga kaukulang kaso.

Dinepensahan din ng kapitan ng baranggay ang pulis, na magalang naman daw. Hindi rin daw totoo na may pinagmumulta sila ng P1,000 at nanitalang aniya. — may mga ulat mula kay Franco Luna

Show comments