COVID-19 cases sa 'Pinas 7,192 na habang gumagaling umabot sa 792

Sumasailalim sa "swabbing" ang residenteng ito sa Lungsod ng Taguig bilang bahagi mass testing ng lokal na gobyerno.
The STAR/Walter Bollozos

MANILA, Philippines (Update 1, 5:18 p.m.) — Umaakyat pa rin ang bilang na mga tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas matapos i-extend ang enhanced community quarantine sa ilang rehiyon at probinsya sa bansa, sabi ng Department of Health, Biyernes.

Sa taya ng DOH kanina, pumalo na sa 7,192 ang kumpirmadong kaso ng nasabing viral infection sa Pilipinas. 'Yan ay matapos makapagtala ng karagdagang 211 kaso ngayong araw. 

Patay naman sa sakit ang dagdag na 15 kaso, dahilan para umakyat na ang total COVID-19 deaths sa bansa sa 477. 

Walang humpay naman ang pagdami ng mga gumagaling sa sakit sa bilang na 792, matapos umigi ang lagay ng 40 pa.

 

 

Kanina lang nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng ECQ sa National Capital Region at sari-saring probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao hanggang sa ika-15 ng Mayo. Ibinaba ito sa mga diumano'y "high-risk" sa nasabing sakit.

Ilalagay naman sa general community quarantine ang mga "moderate-risk" at at "low-risk" areas, hanggang sa humupa na ito patungong normalization.

Sa pinakahuling tally ng World Health Organization, nasa 2.54 milyon na ang kumpirmadong nahahawaan ng virus. 175,694 sa kanila ang binawian na ng buhay.

818 OFWs nakauwi sa gitna ng pandemic

Habang nananalasa ang COVID-19 sa iba't ibang bahagi ng mundo, dumating naman ang 818 overseas Filipino workers kahapon at kaninang umaga.

Nagmula ang mga nabanggit mula sa United Kingdom, Equatorial Guinea, Democratic Republic of Congo at Australia, na dumating sa tatlong magkakahiwalay na chartered flights sa Ninoy Aquino International Airport.

"Salamat po at naka-uwi na rin kami," sabi ng isa sa mga repatriates mula sa Equatorial Guinea habang patungo sa arrival area ng NAIA Terminal 1.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), agad namang nagsagawa ng rapid testing sa kanila ang mga doktor mula sa Philippine Coast Guard upang matiyak na hindi sila nahawaan ng COVID-19.

Matapos i-brief tungkol sa quarantine protocols, inilipat din ang 818 sa sa mga designated facilities kung saan sasailalim sila sa mandatory quarantine sa loob ng 14 araw.

Umabot na sa 19,407 ang nai-repatriate ng DFA mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig sa ngayon.

Show comments