MANILA, Philippines — Pinasalamatan ng Department of Transportation (DOTr) ang pamunuan ng 2Go Group, Inc., partikular ang kanilang Chairman of the Board na si Dennis Uy matapos ianunsyo sa publiko na hindi na nito sisingilin ang pamahalaan sa pagpapagamit ng dalawang barko bilang quarantine facilities.
Sa statement ng DOTr, sinabi nito na welcome development ang pahayag ng negosyanteng si Uy at ng pamunuan ng 2Go dahil sa dagdag na tulong sa gobyerno.
Nagpapakita lamang umano ito ng “Bayanihan spirit” sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Nauna rito, umani ng batikos sa publiko ang sinabi ni Transport Secretary Arthur Tugade na mayroong babayaran ang gobyerno sa 2Go para sa paggamit ng dalawang barko nito bilang quarantine facilities.
Sa initial negotiation sa 2Go Shipping ay P120M ang babayaran ng gobyerno pero napababa ito hanggang P35M para sa paggamit ng dalawang barko sa loob ng dalawang buwan.
Ayon naman kay Tugade, hindi nagkaroon ng pagkakataon na mag-usap si Tugade at Uy para magnegosasyon sa paggamit ng mga barko ng 2Go dahil ang negosasyon ay sa pamamagitan ng negotiation panel ng shipping company.
Kaya hindi anya maganda para sa kagawaran na nakaladkad ang pangalan ng negosyante sa usapin kahit na hindi ito naging bahagi ng pag-uusap at hindi rin naman binanggit ng kalihim sa kanyang interview.