Duterte pinaiiwas ang mga Muslim sa mga 'misguided ideology' sa simula ng Ramadan
MANILA, Philippines — Sa pagsisimula ng Ramadan bukas, pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Pilipinong Muslim na huwag kumagat sa halina ng armadong pag-aaklas na nagdudulot diumano ng gulo sa bansa.
"[N]awa'y maantig kayong isulong ang pagwawaksi sa mga ideolohiyang maglilihis sa atin ng landas upang makamit ang tunay na progresibo at inclusive na lipunan," sabi ni Digong sa Inggles.
"Sa ngalan ni Allah, pinaka-Mapagpala, pinaka-Mapagpatawad, sana'y sumainyo ang kapayapaan at mga biyaya ngayong Ramadan."
READ: President Duterte's message for the start of Ramadan @PhilippineStar @PhilstarNews pic.twitter.com/H59vx0jsaB
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) April 23, 2020
Nagmula si Duterte sa katimugang pulo ng Mindanao, kung saan laganap ang mga radikal na grupo gaya ng New People's Army, Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front at mga teroristang grupo gaya ng Abu Sayyaf sa ilang lugar.
Ilang beses nang sinabi ni Duterte na isang Maranao ang kanyang lola, isang grupong katutubo na kadalasa'y nagpra-practice ng Islam.
"Habang binabasa niyo ang mga rebelasyon ni Allah nana may panibagong dedikasyon at lakas, sana'y ma-inspire kayo ng mga sagradong teksto na mabuhay na busilak at may kaliwanagan," sabi pa niya.
"Sana patibayin ng inyong pananampalataya't mga sakripisyo ang inyong pangakong makipagbuklod-buklod sa inyong mga kababayan, anuman ang relihiyon."
Matatandaang nabuo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao habang nanunungkulan si Digong. — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero
- Latest